Laagmallrats's Blog

October 19, 2009

BUHAY-BUHAY SA LOOB NG MALL by Salubre, Judymae C.

Filed under: Uncategorized — laagmallrats @ 8:15 am

BUHAY-BUHAY SA LOOB NG MALL

 

Salubre, Judymae C.

2007-34998

Ika-13 ng Oktubre 2009

ANTH 125

 

 

 

Abstrak

 

Ang papel na ito ay isang etnograpiya na produkto ng isang araw na pamamlagi at pagmamasid sa SM City Mall of Davao. Naisagawa ang naturang fieldwork noong ika-12 ng Setyembre taong 2009. Ang aktibidades ay bahagi ng klaseng ANTH 125 na may course description na Peoples and Culture of Mindanao. Naglalayon ito na mas mapalawak pa ang saklaw ng pag-aagham tao hindi lamang sa romantikong ideya ng pagsasagawa ng fieldwork na kadalasan ay sa malalayong rural na pook. Ini-endorso ng papel na mag-aral ng pag-aagham tao sa mga pook na hindi gaanong nabibigyan ng pansin bilang isang field, kabilang na ang paggawa ng fieldwork sa mga urban na lugar tulad ng mga malls. Inililiko muna ng papel ang tuon sa hindi tradisyonal na field para bigyang-pansin ang pamumuhay ng tao sa loob ng isang mall. Layon din nitong makaambag nang kaalaman tungkol sa Mindanao sa pangkalahatan.

 

Susing salita

kulturang popular, mall, pamimili, supermarket

 

 

Kung fieldwork lang naman ang pag-uusapan, agad sumasagi sa isip ko ang tanawin ng mga bulubundukin, mayayabong na puno, matitirik na daanan, mga ilog o kaya nama’y mga talon at isang tribo ng mga tao. Gustong-gusto kong isipin na lahat ng fieldwork ay binubuo ng mga mahahaba pero nakakaaliw na paglalakbay. Mga tipong nakakaiyak ang pagod na daranasin sa kakalakad at iyong nakakaiyak rin ang tagumpay na madarama kapag narating na ang fieldsite. At bilang bida ng paglalakbay, nasasalamin ko ang aking sarili na nakaporma ng tulad ng iniisip kong stereotype na hitsura ng mga antropolohista tuwing nasa field—- may malaking bag, nakabandana o may kung anu-anong takip sa ulo, nakasuot ng jogging pants at sapatos na matibay (na biro pa ng mga kaklase ko ay dapat daw na Merrell ang brand). Puro mga romanticized na ideya ng fieldwork, kumbaga. Pero, natapos ang lahat ng aking pag-aasam nang dalawa na sa aking mga guro ang nagsabing nasa malapit lang naman daw ang mga dapat na pag-aralan.

 

Bakit pa nga ba? Minsan nang ipinaalala sa akin nang isa ko pang guro na impluwensiya ng kolonyal na pag-iisip ang mangalap ng mga sa tingin ko ay “exotic” na pag-aaralan, na masyado nang gasgas ang pumunta sa mga bundok at maghanap ng mga Lumad. At kung papatulan man, siguro ay hindi na ganoon katindi ang pagnanais na magpaka-exotic. Nakakapababang-loob para sa bayan. Napaisip ako na kung tao talaga ang gusto kong pag-aralan, dapat nasa aking radar na gamitin ang pagiging antropolohista ko (raw) kahit saan, kahit kalian, basta may tao. Dapat siguro ay maging interesado ako sa tao at sa magiging ambag nito sa bayan, at hindi sa pansariling kagustuhan lamang na makaranas ng adventure. Kaya dito pumasok ang isang paglalakbay din naman. Pero isang naiibang paglalakbay sa aking inakala. Ang fieldsite: sa loob ng Shoemart ng Davao o mas kilala sa bansa bilang SM City of Davao.

 

Ang orihinal na plano ay sa ganap na pagbubukas ng SM, ang lahat ng mag-aaral ay nakapuwesto na sa nakatoka nilang mga lugar sa loob ng mall. Dapat maging mapagmatyag ang lahat hindi lamang sa kanilang kapaligiran, kung hindi pati na rin sa oras. Pagdating ng tanghaling tapat, may break para kumain ng tanghalian at mamahinga ng kaunti. Nasa kanya-kanyang lugar na naman kami mula ala una hanggang alas tres ng hapon. Magkakaroon uli ng break at babalik sa ikaapat ng hapon hanggang sa mapagpasyahan na naming kumain na nang hapunan ng sabay-sabay.

 

Iyon sana ang magiging timeline namin para sa naturang araw. Sa kasamaang palad, hindi ko iyon natupad. Maraming aberyang nangyari upang hindi ako makarating sa tamang oras. Kasama ng aking tatlo pang kaklase, pasado alas dose na ng tanghali nang kami ay makarating sa mall. At dito nagsimula ang samu’t saring pangyayari at karanasan na hindi ko maipagpapalit bilang isang nagsisimulang antropolohista.

 

Pamumuhay sa loob ng mall. Minsan ko nang naging pampalipas oras ang mall. Noong nasa hayskul pa ako, naalala ko, naaaliw ako sa tanawin ng maraming tao. Minsan ko na ring ginawa ang magbabad sa foodcourt ng mall buong maghapon para lamang tumingin ng iba’t ibang tao. Naging isang trying-hard na antropolohista na pala ako noon. Hindi nga lang sa mismong mga parehong mata at teorya ang bitbit ko kagaya ngayon (sana nga). Akala ko noon, hanggang doon lang talaga ang buhay sa loob ng mall: makakita ako ng iba’t ibang uri ng tao na may iba’t iba ring ginagawa na nagpapabusog sa aking mga mata. Ang hindi ko alam, sa samu’t saring gingawa ng mga tao sa loob ng mall, may kultura pala itong ipinahihiwatig.

 

Ano nga bang uri ng kultura ang nasa loob ng isang mall? O din naman kaya ay mas angkop na itanong kung anong pamumuhay kaya ang nasa loob ng isang SM City Mall? Mula sa panulat ni Rolando Tolentino na may pamagat na Kulturang Mall, may nakilala akong isnag uri ng kultura na ngayon ko lamang napagtanto. Sa kanyang akda, dahan-dahan kong nakilala ang angkop na paliwanag tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa loob ng isang mall. Ito ay nabigyang paliwanag ng mga sumusunod na teksto mula sa akda:

 

Ang kulturang popular ay may kapangyarihang lumikha ng kulang at sobra sa atin. Palagi nitong ipinamumukha ang ating kasalatan sa ideal na ginawang masibong pamantayan ng panggitnang-uring pamumuhay. Ang panggitnang-uri ng pamumuhay ang pamantayan ng kulturang popular; ito ang nililikhang ideal na imahen ng normal na pamumuhay, isang imahen na mahirap makamit ng mayoryang maralita sa bansa (pahina iv).

 

Hindi libre and kulturang popular. Tunay na nararanasan lamang ito ng mga may kakayahang bumili at magbayad (pahina vi).

 

 

Sa realidad na inilahad ng kulturang popular, ang karanasan sa loob ng mall ay hindi ligtas sa saklaw nito. Ang mall ay isang instrumento na nagbibigay sa atin ng mga bagong pangangailangan at pagnanais, na dati-rati naman ay hindi natin kailangan. Isa ang mall kasama ng mga paalala sa telebisyon, radio at mga dyaryo at ng iba pang mga elemento na nagpapalaganap ng uri ng pamumuhay na kagaya ng mga nasa panggitnang-uri. Mas lalo pa itong nagpapasidhi sa mga karaniwang mamamayan na  pairalin ito sa kanilang kamalayan dahil sa lahat naman tayo ay maaaring pumasok ng mall kahit na wala tayong bibihin.

 

Sa pamamagitan ng konseptong kulturang popular papasok ang layunin ng papel na ito: ang makapagsulat ng papel na naglalaman kung paaano ang pamumuhay sa loob ng mall na mailalarwan sa tulong ng kulturang popular.

Sa labas ng supermarket. Personal kong pinili ang supermarket bilang aking magiging puwesto. Hindi ko man mawari ang eksakto kong dahilan, ang alam ko lang, ang pamimili sa supermarket ang pinaka-namimis kong gawin kasama ng aking Mama. Sa ganap na alas dose, sinimulan ko ang aking trabaho ng pamasid-masid sa labas muna ng supermarket. Tinahak ko ang daanan na nasa gitna ng mall, sa harap ng daanan din papasok ng department store. 

 

Isang linya ng mga maliliit na stalls na nagtitinda ng iba’t ibang pagkain ang aking nadatnan sa kaliwang bahagi ng labas ng supermarket. Tanghali, kaya marami-rami na rin ang kumakain ng tanghalian na galing pa sa pamimili. Ang iba’y naghihintay ng kanilang kasama. Ang iba nama’y namamahinga dahil sa iilang carts din ang nakapalibot sa kanila. Baka isang buong umaga din silang namili at nangawit ng husto ang kanilang mga balakang at paa. Sa kabilang dako naman, sa may kanan, isang daan palabas ang makikita patungong car park. Marami ring tao ang palabas na galing sa pamimili, iyong mga may sasakyang nakaparada sa labas. Mayroon ding bayad center at botika na naroon sa dakong iyon. Matumal ang tao. May tatlong gwardiya namang palakad-lakad sa labas. May dalang radyo at patingin-tingin sa mga taong nagdaraan at tumutulong sa mga mamimiling nangangailangan. Ilang minuto pa at nagsimula na ang aking paglalakbay sa loob ng grocery store.

 

Dumaan ako sa kaliwang entrada papasok ng supermarket. Bilang bahagi ng security measures, dumaan din ang aking bag at katawan sa masusing inspeksyon. At nagtuluy-tuloy na ang aking pagmamasid sa loob ng supermarket.

 

Anong nga bang naroroon sa loob? Maliwanag ang kabuuan ng loob pagapsok ko. Agad kong nilakad papuntang dulo pakanan ang loob upang pansinin ang mga nilalaman ng bawat istante. Ang supermarket ay binubuo ng tatlong magkakasunod na parte. Pagpasok sa kaliwang entrada, mapapansin na isang linya ng housewares ang naka-display. Mula basahan hanggang sa mga gamit sa kusina hanggang sa mga plastic wares na lalagyan ng mga kung anu-ano at mga gamit sa banyo. Pagkatapos ng housewares, magkakasunod naman ang hilera ng istante ng mga dry goods. Mula housewares, nagsimula ang linya ng mga istante sa mga produkto na sa tingin ko’y hindi mahalaga lamang sa iilang pamamahay ng ating mga kababayan hanggang sa pinkakailangan. Mula sa mga pangangailangan ng mga alagang hayop, mga kemikal na ginagamit sa bahay tulad ng insecticides, mga sabon gamit sa paglalaba, sabon na gamit sa paliligo, iba’t ibang sabon na depende sa sitwasyon ang paggagamitan, disposable containers, mga de lata at mga istante na may laman ng mantikilya at mga pangangailangan sa pagbebeyk. Ibang hilera na naman ng mga ipinagbibili na produkto ang makikita kung sa mismong gitna tayo dadaan mula sa housewares. Makikita roon ang mga istante ng iba’t ibang uri ng gatas, kape, energy drinks, delicacies, puwesto kung saan lahat ay mga pambatang produkto ang nakahilera tulad ng growing-up milk na may pangalang kids at play section, mga biskwit, na sinundan ng mga de lata, condiments, mga noodles at mga pangsahog sa salad. At sa ikatlong seksyon ng supermarket, naroon sa pinakadulo ng papuntang kanan ang wet goods section. Nakahilera din doon ang iba’t ibang nabibili na pagkain na madalas natin makita sa mga palengke. Sa wet goods section, makikita na nakahilera din ang magkakaparehas. Nasa isang sulok ang mga prutas at gulay, sa ibang sulok naman ang isda at iba pang lamang-dagat. Iba naman ang kinalalagyan ng mga preserved foods tulad ng daing at iba rin para sa lean meats tulad ng karne ng baka, manok at baboy.

 

Mapapansing organisado ang pagkakalagay ng mga bilihin mula sa housewares, dry goods section at wet goods section. Sa tingin ko, nakahilera ang lahat ng ito ayon sa tindi ng pangangailangan. Ang mga hindi masyadong pinagkakaguluhan at hindi nakakain, ay inilagay sa magkakalinyang seksyon ng mga bilihin. At gayundin naman sa nakakain. Pero sa kabilang banda, kung gustong magmadali at kung kabisado na ang supermarket ng SM, maaari tayong dumaan sa kanang bahagi na entrada malapit sa car park. Doon, bubungad na kaagad ang wet goods section at tuloy-tuloy na hanggang sa pinakakailangan sa bahay lalung-lalo na sa paghahanda ng makakain. Baliktad sa daan na tinahak ko noong una kong pagpasok.

 

Isa siguro sa dinadayo ng mga tao sa supermarket ng SM, maliban sa organisado ang pagkakalagay ng mga benta, ay hindi ko naranasan na mabahing sa kahit na anong seksyon. Isang problema ko kapag namimili sa grocery store ay iyong napakalakas na amoy sa may seksyon ng mga sabon at shampoo, lotion at lalung lalo na sa wet goods. Sa naturang pamilihan, wala ni isang sandali na ako ay napabahing. Lahat ng seksyon ay malinis at walang nakakalat na mga paninda na nagiging sanhi minsan ng masangsang na amoy. Ang temperatura naman sa kabuuan ay katamtaman lamang. Malamig sa may wet at frozen goods dahil sa mga paninda na kinakailangan ng malamig na temperatura. At medyo mainit naman sa istante ng mga de lata hanggang katamtaman malapit sa mga mantikilya.

 

Habang ako ay naglalakad-lakad, napansin kong napapahimig na rin ako kasabay ng musikang ipanapatugtog sa loob ng supermarket. Para bang napakagaan sa tenga ng mga napapakinggan ko kaya nagiging magaan ang aking paglalakbay sa loob. Mga kantang tulad ng Runaway ng The Corrs at iba pang kanta na sumikat noong 90s at simula ng 2000. Isa pa ito sa nagpapadagdag ng anyaya na mamili ng komportable na maaaring stratehiya ng naturang mall.

 

Sa unang pagpasok ko, iilang customer assistants pa lamang ang aking nakita. Ngunit, matapos ang isang oras, nagkaroon na ng mga assistants sa lahat ng hilera ng mga paninda na nakangiti at sabay sabing “Basket po maam”. Dumarami na rin ang tao kaya kinakailangan na siguro ng marami-rami na ring empleyadong mapagtatanungan ng mga mamimili.

 

Mga taong labas-masok. Una kong minasdan ay mga taong aking nakikitang namimili. Dahil sa tanghalian, wala masyadong tao sa mga panahong iyon. Kaya noong una’y sinubukan kong magtala ng mga tao ayon sa kasarian. Nakapagtala ako ng pitong (7) lalaki at labintatlong (13) babaeng namimili. Pasado ala una na nang napansin kong dumadami ang tao kaya hindi na ako nagabalang magtala pa. Pinag-aralan ko na lang ang mga posibleng kategorya ng mga tao na labas-masok sa supermarket.

 

Napansin ko na sa pagdami ng tao, dumami rin ang mga posibleng kategoryang maaari kong mailista. Una na rito ang edad. Napansin ko na lahat na siguro nang tao mula sa age bracket ang aking nakitang pattern. Mula sa mga sanggol na nakalagay pa sa stroller, toddlers na gustong sumakay sa cart, mga batang nasa elementarya na makulit na nagpapabili ng chichirya, mga teenagers na papuntang gimik, mga kolehiyala na namimili ng pampaganda, mga nanay at tatay na namimili ng pangkonsumo at gayundin ang mga lolo at lola.

 

Napansin ko rin na hindi lang lahat ay Pinoy ang namimili. Mayroon ding mga dayuhan tulad ng mga Amerikanong naghahanap ng isang uri ng cheese, isang Indian national na namimili ng sangkatutak na gulay at prutas, mag-asawang Koreano na nagsasalita sa kanilang lenggwahe na sa wari ko ay nag-aaway sa kung anong uri ng noodle ang bibilhin at isang Chinese Filipino na nagrereklamo sa itinaas ng presyo ng paborito niyang de lata.

 

Isa pang kapansin-pansin na katangian ng mga mamimili na hindi ko pinalagpas ay ang kanilang mga estado sa buhay. Pakiwari ko, ang mga namimili sa naturang supermarket ay mga mamamayan na nabibilang sa panggitnang-uri. Bakit ko naman kaya nasabi ito? Una, sa kanilang mga tindig. Napuna ko na karamihan ng mga namimili ay parang executive ang dating. Kung hindi naman, maraming alahas at kung anu-ano pang abubot sa katawan. Meron ding signatured brands ng mga damit at bags ang suot na tanging mga nasa panggitnang-uri lamang ang makakabili ng hindi kumukurap.  Panagalawa, sa dami at uri ng kanilang mga pinamimili. Napansin ko na karamihan ng namimili, cart ang kinukuha. Kung hindi man mamahalin na mga brands ng paninda ang tinatangkilik, naghahanap pa ng imported. At kung mamili, para yatang mauubusan ng paninda. Halos hakutin na yata lahat ng mga naglalakihang garapon ng shampoo at lotion. Pati mineral water, hindi pa nakaligtas sa isang ale. At panghuli, ang paraan ng kanilang pagbabayad. Sa rami ba naman ng kanilang pinamili, isang swipe lang ng credit card ang katapat noon. Matumal yata ang mga nagbabayad ng cash dahil halos silang lahat ay naka-credit card.

 

Isa pang kategorya na maaaring idagdag ay ang mga grupo ng taong namimili. Nang tanghalian pa, paisa-isa ang mga nanay na nagtutulak ng cart. May mga tatay ring nag-iisa na ang diretso nilang lahat ay sa diapers at gatas ng bata. Noong dumarami na ang mga tao, kapansin-pansin ang mga pamilyang namimili. Kumpleto ang casting: si tatay ang nagtutulak ng cart, si nanay ang namimili ng mga bibilhin, si kuya o kaya naman si ate na nangungulit at si baby na nakasakay sa cart. Nagmistulang parke na tuloy ang buong supermarket sa dami ng pamilyang aking napagmasdan. Mayroon din namang magbabarkada na panay mga chichirya lang at maiinom ang binibili. May mga mag-asawa lang din na parang nagdedeyt lamang. Mayroong mag-aama o di naman kaya ay mga mag-iinang ginawa ang panahon ng pamimili na bonding moment. May amo at yaya ding magkasamang namimili. At higit sa lahat, magpapahuli ba naman sina lolo at lola na mukhang mga teenagers lang na nagbibiruan habang namimili. Parang lahat na yata ng mga tao magmula sa iba’t ibang aspeto ng buhay ang naroroon sa supermarket. Patunay na kahit na anong edad, kahit na sinong kasama at kahit na sino ay maaaring mamili at gawing kaaya-aya ang gawaing ito.

 

Silang malalakas sa aking pang-amoy at ninais ng aking mga mata. May tatlo akong taong ginustong kuhanan ng profile. Ang mga taong ito ay may kung ano yatang kakaiba sa kanila na ninais ng aking mga matang sundan.

 

Pagpasok ko ng mga tanghali sa supermarket, may nakasabay akong isang babae na nakaputi at may mga dala-dalang malalaking bag. Sa unang tingin ko, para yata siyang student nurse dahil sa kanyang all-white na porma at nakapusod na ayos ng buhok. Buong akala ko, may routine duty pa ito ng alas tres sa malayong hospital kaya nagmamadaling mamili ng mga kakailanganin. Sa aking paglalakad, nakadaupang palad ko na naman ang babaeng akala ko ay student nurse. Sa pagkakataong ito, may kausap na siyang isang maputing babae at may hawak nang isang batang babae rin. Ilang sandali pa, napansin ko na iniwan na sila ng babae at binilinan na bantayan ng maigi ang bata at ipagpatuloy ang pagpapadede. Doon ko napagtanto na ang babae pala ay yaya ng babaeng maganda at mukhang mayaman. Nagmamadali ring umalis ang amo niya at naiwan sila ng halos dalawampung minuto. Pagbalik ng kanyang amo ay agad na silang umalis at nagbayad ng kanilang mga pinamili.

 

Mga alas dos na noon ng hapon. Hapong-hapo na ako at masakit na ang aking mga paa sa kakalakad nang makakita ako ng isang pamilyar na mukha na nakatayo malapit sa isang cashier station. Matagal ko siyang tinutukan at inalala kung saan ko siya nakita. Matagal ko siyang hinanap sa aking utak. Buti at naalala ko. Ang taong palakad-lakad sa may cashier ay si Compostella Valley Governor Chong Uy pala.

 

Mga sampung minuto ko siguro siyang tinutukan at binalikbalikan. Napansin kong may tatlo siyang taong kinakausap, parang mga body guards niya. May pumila para sa kanya. May kumuha nang nakalimutan niyang kunin. At may umabot sa kanya ng kanyang maliit na bag nang siya ay magbabayad na.

 

Kaya pala hindi ko agad siya nakilala dahil masyadong kaswal para sa isang gobernador. Isang t-shirt na kulay gray, maong na pantalon at itim na leather sandals lamang ang kanyang suot. Sino ba ang mag-aakalang isang gobernador na pala ang namimili. Pero parang kaunti lang yata ang nakamasid na si Governor Uy pala iyon. Ni halos wala ngang special treatment na ibinigay. Buti naman kung ganoon. Parehas lang namang nagbabayad ang mga taong namimili at si Governor Uy. Parehas lamang silang mga mamimili na nagbabayad kahit na nakatataas sa tungkulin ang isa.

 

Sa muli ko namang paglalakad at pagmamasid, isang pamilya ang aking natanaw. Pamilya pa rin ang aking tingin sa mag-iina kahit na wala ang kanilang tatay. Una ko silang nakita sa hanay ng mga pika-pika na pagkain. Bigla silang nawala. Muli ko na naman silang nakita nang may bitbit na ice cream na ang mag-iina. Nakita ko ulit sila sa hilera ng plastic wares. Sa pagkakataong ito, nagkunwari akong may kukunin sa kanilang hanay para marinig ang kanilang usapan.

 

“Pili na kayo ng kulay ng kutsara niyo. Ganito lang muna ang treat ko sa inyo ha. Sa foodcourt lang muna tayo kakain ng ice cream. Di bale, masarap naman ang flavor nito diba?” sabi ng nanay. Sumagot naman ang nakakatandang kapatid na ayos lang daw sa kanila. Buti pa nga raw at may ice cream pa silang treat.

 

Nakakatuwang eksena ang aking napagmasdan. Bihira na akong makakita o makarinig ng ganito sa totoong buhay, kahit na sa bahay namin. Kung tutuusin, sa teleserye na lamang siguro natatanaw ang ganitong mga eksena. (Mukhang tonong kulturang popular yata uli ang aking nababasa sa mga huling linya ko.)

 

Sari-saring mukha ng pamimili. Bilang isa ring mamimili, may mga teknik ako kapag inuutusan ako ng aking Mama na mamili, depende kung gusto kong magmadali o hindi naman kaya ay magsayang ng oras. Sa aking paglalakbay na ito, tiningnan ko rin kung paano mamili ang mga taong aking nakasalamuha.

 

Mula nang pumasok ako, parang lahat ng mga nanay na namimili ay sinusuyod lahat ng hilera ng mga istante para humanap ng mga tamang bibilhin. Dala-dala ang kanilang mga carts, mula sa housewares, tinitingnan-tingnan ng mga mamimili kung ano ang mas akmang bibilhin nila ayon sa kanilang panlasa. Patingin-tingin dito, patingin-tingin doon. Hanggang makita na nila ang kanilang gustong bilhin. Lipat na naman sa kabilang linya ng mga paninda. Hanggang sa umabot sila sa wet goods section. Paulit-ulit ang proseso hanggang mapuno ang kanilang mga carts sa mga tingin nilang pangangailangan ng kanilang pamilya. Umabot rin iyon ng mga halos dalawang oras ng paglilibot sa loob ng supermarket.

 

Isang oras pa ang nakalipas nang makakita ako ng isang nanay na dumiretso sa linya ng istante ng mga nakalista sa kanyang bitbit na maliit na notebnook. Sa pagsunod-sunod ko sa kanya, naisip ko na para yatang puro pagkain ang kanyang pinamimili. Magmula sa mga de lata tulad ng sausages at corned beef, hanggang sa wet goods section lamang ang kanyang destinasyon. Para yatang wala na siyang panahon na mamili sa palengke kung saan mas mura ang mga bilihin. O di kaya naman ay mas nakasisiguro siyang malinis talaga ang mga pinamimili niya sa SM Supermarket. Wala pang isang oras ay tapos na si Nanay 2 sa kanyang pamimili.

 

Ilang sandali pa, magbabarkada na naman ang aking nasundan. Pakiwari ko’y gigimik ang mga ito. Wala kasing bukambibig kundi ang kanilang outing papuntang Samal, ang kanilang mga magiging outfits at kung ano ang kanilang babaunin. Ganun pa rin. Walang dalang listahan. Kaya lang, mas lalong tumagal kahit na sa mga istanteng pagkain lang ang nilalaman. Panay kasi ang pagtatalo ng anim na magkakaibigan sa bawat uri ng pagkain na kukunin ng isa. Umabot pa yata ng halos dalawang oras ang kanilang pamimili  na halos pagtatalo naman lahat.

 

Nasaan ang mga kalalakihan? Kahit na sa unang oras ko sa supermarket ay nakapagtala ako ng pitong lalaki, isang oras lamang ang lumipas, wala na akong mahagilap na mga lalaki. Mga bandang ala una, mukha yatang hindi ko na sila maaninag. Nasaan kaya sila?

 

Dahil sa mahigit dalawang oras na akong nakatayo at palakad-lakad, magdedesisyon na sana akong lumabas muna at kumain ng tanghalian. Pero, sinuwerte yata ako at nakakita ako ng bangko sa isang linya ng cashier. Kahit na may lalaking nakaupo, kinapalan ko na ang aking mukha para makaupo na ako. Nang makaupo na, tinanong ako ng lalaking katabi ko kung bakit panay ang sulat ko. Sabi ko lang may ginagawa akong ethnography tungkol sa supermarket. At humaba na kaagad ang usapan.

 

Ngayon, ang sagot sa tanong na nasaan ang mga kalalakihan ay: nasa tabi-tabi lamang sila. Isa na ang lalaking nakausap ko. Naghihintay siya na matapos ang kanyang asawa kaya naisipan niyang maupo muna at magpahinga. Kaysa magpalakad-lakad at sumunod-sunod raw sa kanyang asawa, mas pinili niyang maupo roon at maghintay.

 

Nang umalis na ang mamang katabi ko, nagkaroon ako ng pagkakataong maupo roon at makita ang mga taong papasok. Namangha ako nang magpapamilya ang pumapasok. Para bagang family day lang at family outing ang pamimili sa grocery store. Pero, nang makakuha na nang cart si misis, agad na kinuha ni mister si baby at nagpaiwan sa may cashier. Aha. Ganoon pala ang ginagawang palusot ni mister para hindi sunod nang sunod. Iilan pang mga mister ang nakita ko roon at nagpaiwan malapit sa aking kinaroroonan. Ang iba naman, sumasama para maging tagatulak ng mga pinamili ni misis. Sa aktong ito, nasabi kong wala talagang pasensiya ang mga lalaki pagdating sa mga pasikut-sikot na pamimili.

 

Bonus Kuwento.  Mukhang maayos naman ang naging karanasan ko sa kabuuan kung hindi lang sa isang pangyayaring hindi ko inaasahan. Sa aking pagmamasid, ilang oras din akong nagpabalik-balik ng lakad sa buong supermarket. May isang pagkakataon na pakiramdam ko may sumusnod din sa akin. Pagtingin ko sa aking kaliwa, nakita ko ang isang lalaki na mukhang nakasuot ng uniporme. Pero mukhang hindi rin. Naglakad pa ako ng kaunti. At sumunod uli siya. Doon ko na nalamang gwardiya pala siya ng supermarket na nagpapanggap bilang isa ring mamimili. Napagisip-isip ko na para yata akong pinagkakamalan ngayong magnanakaw. Pero parang hindi naman rin. Pero para makasiguradong lulusot ako, gumawa ako ng palabas. Kaya naman, naging instant artista ako sa mga panahong iyon. Kahit nababalot man ako ng takot, nagawa ko pa ring umarte ng ganito: “Ay. Mao man tingali ning sugo ni Mama. All purpose flour. Tagpila kaya ning 2 kilos?.” , sabay sulat sa aking maliit na kwaderno. Nagkunwari pa akong tinetext ko si Mama para hindi mahalata na nanginginig na ako sa takot. Ang dami ko na yatang nagawang kabaliwan dahil sa paranoia na naramdaman ko ng mga sandaling iyon.

 

Ang pinakamagandang nakuha ko sa pangyayaring iyon ay: nalaman kong maaari pala akong maging artista, sa totoong buhay. Kahit na alam kong nanginging na ako sa takot, nakakapag-isip pa ako ng mga ganoong kabaliwan kahit na hindi naman sa inaakala nila ang aking intensiyon. Pero sana sa sususnod na mapalaban ako sa field, matuto na sana akong mangatwiran at maging mas matapang na humarap sa mga ganitong sitwasyon.

 

Samakatuwid. Ang buong karanasan ko sa magmamasid sa mall ay isang hakbang patungo sa mainam na pag-aaral ng agham-tao na kung saan sa mismong arena ng aking personal na buhay umiikot ang buong pag-aaral. Isa itong hakbang patungo sa hinay-hinay na iwinawaksi ang romantikong ideya patungkol sa pagtatanong kung saan ba ang pinakamainam na maging fieldsite. Sa pamamagitan ng karanasan na ito, ipinasisilip sa akin ang mundo na buong akala ko noon ay hindi maaaring maging subjek ng pag-aagham tao. Ipinapakita rin ng pag-aaral na ito na ang mundong gaya ng loob ng mall ay hindi lamang binubuo mga taong gumagalaw. May sariling tatak din ito ng pamumuhay: kulturang popular.

 

Minsan na akong nakaranas at naging bahagi ng kulturang popular na hindi ko namamalayan. Nang minsang gusto ko lang na mamasyal sa mall, panay ang asam ko sa mga bagay na tila hindi ko naman mabibili kahit na sampung taon pa ang lumipas. Kahit saan ako tumingin, laging isinisingit ng aking utak na sana ay makabili ako ng ganito, makakain ako sa ganyan, at maranasan ko ang maging ganoon. Sa pag-aasam na ito nararamdaman ang kulturang popular. Para sa mga kababayan nating halos tama lang ang kinikita para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, ang pagpunta ng mall ay dagdag gastos. Ang iba, kung pumunta man ng mall, nasa kamalayan na lamang nila ang pag-aasam na sana ay magkaroon sila ng kakayahan na mamili at maranasan ang imbitasyon ng malling.  Halos mamemorya na nila ang bawat amoy, bawat gamit, bawat lasa ng mga bagay na gawa ng kulturang popular. Ang aktong pagbili na lamang ang kulang. Nasa ganitong estado sila ng pag-iisip kaya mangangarap na lang sila na sana ay maging mala-teleserye din ang buhay nila. Umaasang  isang araw ay makakaahon sa kasalukuyang kalagayan. Lumalakas tuloy ang kanilang paniniwala sa kasabihang “Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa baba, minsan naman nasa itaas”.

 

Kabaligtaran naman ang karanasang ibinibigay ng kulturang popular para sa mga may kaya. Ayon pa kay Tolentino, ang naturang kultura ay hindi libre. Tunay na nararanasan lamang ito ng mga may kakayahang bumili at magabayad. Ganitong-ganito ang inilalakong karanasan ng SM para sa mga may kaya. Dahil may pera silang maipambibili at maipambabayad, lahat ng mga magustuhan nila ay kayang-kaya maangkin. Para sa kanila, hindi sila mabubuhay nang wala ang mga bagay na ini-endorso ng kulturang popular. Magandang halimbawa nito ay ang mga abubot na inilalagay sa katawan tulad ng moisturizers, whitening soap, lotion at marami pang iba. Na kung iisipin natin, nabubuhay naman ang iba nating mga kababayan na walang nilalagay na mga ganoong bagay sa katawan. Samakatuwid, ang kulturang popular ay may kapangyarihan na mag-imbento ng mga bagay na magiging standard ng kagandahan, karangyaan at magandang buhay na siyang magiging modelo ng lahat. Parang maaari ring sabihin na ang hindi makasunod, makaranas o makabili ay hindi gaanong kagandahan, hindi gaanong kayamaan at hindi gaanong kagandahan ang buhay.

 

Bukod sa kulturang popular, may iilang bagay din na mahihinuha sa buong araw na pagmamasid sa mall. Una, mula sa mga obserbasyon, ang mall, partikular na ang supermarket ay may functional na aspeto. Ang supermarket ay masasabing kaakibat ng mga nanay sa pag-aasikaso sa bahay. Tinutulungan nito si nanay na maging madali ang pamimili dahil sa kumpleto na ang inilalako ng SM supermarket. Magmula sa mga pangangailangan sa bahay, hanggang sa pagbabayad ng bills. Hindi na magiging malaking abala pa para sa mga ilaw ng tahanan na pumunta sa kung saan-saan pa. May functional na aspeto ito para sa buong pamilya. Sa araw na iyon, karamihan sa mga namimili ay magpapamilya o hindi naman kaya ay mag-aama at mag-iina. Ang pamimili ngayon any nagiging pambawi na ng mga magulang para sa kanilang mga anak upang magkaroon sila ng oras na magkakasama. Ang akto ng pamimili ay nagsisilbing bonding moment ng buong pamilya na magkaroon ng oras para sa isa’t isa. Imbes na maging isang nakakapagod na gawain ang pamimili para sa mga nanay, nagiging paraan ito upang magkakasama sila ng kanilang mga anak o hindi naman ay nang buong pamilya.  

 

Pangalawa, isang teorya na maaaring magpaliwanag sa mga pangyayari sa loob ng supermarket ay ang habitus. Ang habitus ay tumutukoy sa iba’t ibang disposisyon ng mga tao na maipapakita sa pamamagitan ng kanilang mga gawain (Bourdieu, 1977).

 

Layunin ng mga personaheng nagpapatakbo ng supermarket na magkaroon ng malaking kita. Kaya naman, lahat ng maaaring gawin nilang paraan upang kumita ay ginagawa nila gaya na lamang ng pagkakaroon ng mga bagong paninda na sa supermarket lang nila matatagpuan. Namangha ako sa iba’t ibang frozen foods na noon ko lamang nakita, at sa SM pa. May nakita akong makukulay na fishball na tawag nila ay shabu-shabu. Nagbebenta rin sila ng mga prutas at gulay na bago sa aking paningin tulad ng dragon’s fruit. Ipinapakita rin nila ang layunin nilang ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-aalaga nila sa kanilang mga mamimili. Gaya ng napansin ko, lahat ng linya ng mga paninda ay may mga customer assistants upang mag-asikaso sa mga indibidwal na itatanaong.

 

Ang kulturang popular ay nagpapakita rin ng habitus ng bawat taong namimili. May narinig akong pag-uusao kung saan nagpapakita ng habitus ng isang mamimili: “Ay. Kamahal pud diri sa SM uy. Maayo pa sa palengke na lang ko mamalit ug mga isda. Barato na gani, lab-as pa.” May isa pang pamilya akong napansin na kumuha ng isang katam-tamang laki na cart. Ilang minuto na silang palakad-lakad pero tanging dalawang lata ng sardinas at tatlong supot ng daing pa lamang ang laman ng kanilang cart. Dito naipapakita ang habitus ng mga kababayan nating hindi nabibilang sa panggitnang-uri. Kahit na sa SM na sila namimili, lumalabas pa rin ang estado ng kanilang pamumuhay. Gusto pa rin nilang mamili sa nakasanayan nilang pamilihan tulad ng palengke. Sardinas pa rin ang nais nilang bilhin kahit na may mga de lata naman na iilang piso lang ang minahal kung ikukumpara sa sardinas.

Samakatuwid, may mga pangyayari sa loob ng mall na hindi natin agad nakikita sa pamamagitan ng ating dalawang mata. Kailangan nating tingnan ang mga bagay na higit pa sa kanilang gamit. Sa pamamagitan nito, maaari tayong bigyan ng mga bagong pananaw para sa mas malawak na kaalaman tungkol sa ating mundo. At ang pag-aagham tao ay isang mainam na paraan ng pagkilatis sa mga bagay upang mas lalo nating maintindihan ang mga pangyayari sa ating paligid.

 

Samakatuwid, hindi lahat ng pamilyar na bagay ay hindi na mainam na pag-aralan. Para sa akin, tunay na mainam pa nga ang gawing hindi pamilyar ang mga bagay na bahagi ng ating mga pang-araw-araw na karanasan at kapaligiran. Kumg kaya nating pag-aralan at gawing pamilyar ang mga bagay at pook na bago sa atin, maaari siguro nating unahin na maintindihan ang mga bagay at pook na halos abot-kamay at abot-tanaw na lang natin. Baka dito siguro nag-uumpisa ang isang mainam rin na antropolohista o kahit na sino na nais mag-aral ng pag-aagham tao: ang pag-aralan ang mga bagay na maituturing na ordinary para sa kanya. At ang pag-aaral na aming naisagawa sa mall ay isang hakbang nga patungo sa pag-aagham tao.

 

 

#

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

PASASALAMAT

 

Nais ng manunulat na magpasalamat sa mga sumusunod:

 

ü      Sa kanyang mga magulang na gagawin ang lahat para maging gulong ng palad umano ang kanilang buhay

ü      Sa kanyang mga kapatid na nagsisilbing inspirasyon niya na balang araw, magiging teleserye rin ang kanilang buhay

ü      Sa kanyang mga kaibigang naging pakana na maranasan niya ang kulturang popular na hindi niya namamalayan (Eyoy, Mardz at Panyee)

ü      Sa kanyang mga kaibigan at kaklase na kasama niyang nakaranas nang kulturang popular sa SM at naghirap na maintindihan si Bourdieu at ang kanyang habitus (Kat, Manang, Stella)

ü      Sa kanyang mga kasamahan sa boarding house na laging may pabaong ngiti at sa paniniwalang magiging isang matagumpay na antropolohista siya baling araw (Ate Princess, Ate Shiena at Ate Clay)

ü      At sa mga di-taong elemento na nakatulong sa kanya para matapos ang papel na ito.

 

 

Sa inyong lahat, daghang salamat.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

REFERNCES

 

Bourdieu, Pierre. (1977). The Structure and the Habitus. Cambridge University Press.

Tolentino, Rolando. (1999). Kulturang Mall. Kulturang Popular 1. Anvil Publishing Inc.

3 Comments »

  1. I posted this essay first for a host of reasons. First, its the best essay that was submitted, so, it should come first. The essay is well written; the ideas are organized and the narrative simply flows.
    I appreciated Judy’s attempt to apply Bourdieu’s habitus when she theorized on some disposition of mallgoers. She displayed a keen sense by citing the actuation of a non middle class mall goer who still ends up buying sardines and dried fish at the supermarket.
    Also, she observed buying grocery at the mall for some families is no longer just a functional activity. She interpreted the act as some bonding moment. Or quality time for certain families is spent at the mall’s supermarket.

    Comment by laagmallrats — October 19, 2009 @ 9:16 am

  2. nalingaw ko. to the maxx. hehe. human na ang anth. had so much fun. :))

    Comment by bisita — October 20, 2009 @ 3:15 pm

  3. ahm…very informative.. hehe.. grabe ang mga napapansin mo sa paligid and that is a good sign of having a heart of awareness.. hehe.. pabisita po.

    Comment by orville — January 21, 2010 @ 7:39 am


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a free website or blog at WordPress.com.

%d bloggers like this: