Laagmallrats's Blog

October 29, 2009

Silip sa Bingohan: Fieldwork sa SM City Stella Monette Solis de Castro

Filed under: Uncategorized — laagmallrats @ 6:40 am

Silip sa Bingohan: Fieldwork sa SM City
Stella Monette Solis de Castro
2007-55148
III – BA Anthropology
stella_monette08@yahoo.com

Abstract
Ang Bingo ay isang popular na laro sa Pilipinas. Sa ano mang okasyon,
lalo na sa mga baryo, ito ay isa sa mga highlight na laro. Lahat ay naaaliw,
bata man o matanda, babae man o lalaki at maging sino man sa lipunan. Ito
ay tinuturing na pampalipas oras o paraan upang maaliw ang mga
miyembro ng pamilya at mga ka-baryo. Ngunit nang ito ay dumating na sa
mga mall, nag-iba na rin ang ilang mga paraan sa paglalaro nito. Hindi na
libre ang mga cards at serbisyong natatanggap ng isang manlalaro. Hindi
na rin sa libangan lang natatapos ang larong Bingo, ito rin pala ay isang
anyo ng hanapbuhay para sa mga manlalaro.

Keywords
Dauber – ginagamit ng mga manlalaro upang markahan ang mga numero sa
card
Caller – ang taong nag-aanounce ng mga letra at numero ng bola
False Alarm – ito ay kilala rin sa tawag na “Bongo,” kung saan may
sumigaw ng “Bingo” ngunit hindi pala nag-mamatch ang kanyang mga
numero at letra sa mga inanounce ng caller. Ito ay nangyayari dahil marahil
mali ang pagkakarinig ng manlalaro sa tamang numero at letra ng bolang
nabunot.

Introduction

Ang tanging paraan upang maiwasan ng mga antropolohista ang pagimpluwensya sa mga taong kanilang pinag-aaralan ay ang manatiling
obhetibo at walang kinikilingan bilang isang taga-labas na nakatingin sa
loob. Mahalagang iwasan nila ang ano mang emosyonal na koneksyon sa
kanilang mga pinag-aaralan upang hindi makompromiso ang kanilang
pagiging obhetibo.

Ang mga antropolohista ay nakapamumulpol ng mga impormasyon sa
pamamagitan ng participant observation method. Ito ang pansamantalang
pagiging o pagpapanggap na kabilang sa mga miyembro ng grupo na pinagaaralan.

Nakakakuha rin sila ng mga firsthand information sa mga
pinagkakatiwalaan nilang mga impormante na may malawak na kaalaman
tungkol sa sabjek.

Bilang isang mag-aaral na napapa-ilalim sa programang Agham-tao ng
unibersidad, mahalagang matutunan ang mga metodong kagaya nito upang
maging matagumpay ang isang pananaliksik. Hindi kasi madali ang
makisalamuha, makiramdam at makipamuhay sa ibang tao lalo na kung
hindi mo sila kilala at bago ka lang sa lugar na pinag-aaralan. Mayroong
mga hustong kasanayan at kakayahan na dapat munang matutunan at
mahubog habang nag-aaral upang maging tama ang direksyon ng
pananaliksik at hindi masayang ang panahon at pagod sa pagsusuri sa mga
hindi makabulugang detalye.

Ngunit nararapat ding isipin na hindi sapat ang pag-aaral sa loob
lamang ng silid-aralan. Alalahaning may mas malaki pang mundo sa labas
na dapat bigyang pansi, unawin, at kung nararapat ay baguhin. Aanhin nga
ba ang teorya kung hindi rin naman ito naisasapraktika? Makabubuti sa
isang mag-aaral kung mararanasan mismo niya ang tunay na ibig sabihin ng
mga teorya at mai-apply ito sa pang araw-araw niyang mga gawain.
Kaya sa aming klase sa Anth 125 o Peoples and Cultures of Mindanao,
ay napagdesisyonan namin na mag-fieldwork. Ito ay isinagawa namin sa SM
City noong September 26, 2009. Ang bawat estudyante ay may naka-ukol na
site sa mall na pag-aaralan sa loob ng isang araw. Dito ay inaasahang
magagamit namin ang aming mga natutunan sa klase at may bago rin
kaming matutunan na maibabahagi pabalik sa klase.

Materials and Methods

Ang na-assign sa akin ay ang Bingo Section ng mall. Kagaya nga ng
nabanggit ko kanina, ay ginamit ko ang participant observation method sa
aking fieldwork. Ang aking layunin sa pagpunta ko doon ay upang makasilip
sa pang araw-araw na buhay ng mga taong naglalaro at nagtatrabaho doon.
Sinabi kong “makasilip” lamang dahil alam kong maliit na parte lamang ang
aking makikita dahil iilang oras lang naman ang aking itatagal doon. Hindi
tulad ng fieldschool na mamamalagi talaga ang isang researcher sa fieldsite
sa loob ng isa o dalawang buwan.

Results and Discussion

Tinanghali na kami ng dating sa mall noong Sabadong iyon, kung
iisipin ay dalawang oras na kaming huli. Medyo na-guilty ako pero mas
natawa sa takbo ng mga pangyayari noong mga oras na iyon. Guilty, kasi
alam kong hindi patas iyon para sa mga taong pumunta on time, at hindi rin
ako matutuwa kung sa akin nangyari iyon. Pero ang nakakatawa ay isip
kami ng isip kung ano ang sasabihin naming “dahilan” o mas tama siguro
kung sasabihing “alibi” na isasagot sa iba pa naming mga ka-klase sakaling
magtanong sila. Napa-isip tuloy ako, paano kaya kung hindi lang pala kami
ang nahuli ng dating, paano kaya kung iyon din ang iniisip ng mga taong
iyon sa mga oras na ito? Pumasok sa isip ko bigla na kaya mababa ang
tingin ng mga taga-ibang bayan sa atin pagdating sa pamamahala ng oras
dahil binubuhay natin ang kulturang Filipino time, ginagawa kahit mali,
dinidepensahan kahit mali at pinapatuloy kahit gaano man ito kakapunapuna.
Sa pangalan pa lang, nakaka- insulto na. Pero kagaya nga ng sinabi ko
kanina, buhay na buhay ang kulturang ito dahil may mga humabol pa
kaming mga kasama mga bandang alas dos ng hapon at masayang-masaya
pa kaming sinalubong.

Pagdating namin sa mall ay dumiretso kaagad kami sa Bingo section.
Kasama ko sina Katrina at Adjeralie. Masaya ako dahil nag-volunteer sila na
samahan ako sa site ko dahil hindi ko talaga alam kung saan iyon at hindi ko
rin alam kung ano ang gagawin ko pagdating ko doon. Tama nga ang hula
ko. Lahat kami nakatanga lang dahil first time naming na pumasok sa
section na iyon. Okay lang namang magmukhang tanga basta may kasama
ka na nakakadama rin ng mga nararamdaman mo. Nakakalito na. Ang dami
ng mga taong dumaraan, papunta at pabalik at may mga paikot-ikot pa.
Dahil naninibago kami sa kapaligiran, idinadaan na lang namin sa tawa ang
lahat ng para sa amin ay hindi karaniwan. Pero alam naman talaga naming
na defense mechanism lang iyon at kung may hindi man karaniwan doon,
kami iyon.

Matagal kaming nag-istambay sa labas at nag-agaw loob kung
papasok ba o hindi. Inabot pa kami ng ilang minuto ng pagtutulakan kung
sino ang mauuna at saan pupunta. Medyo nalito kami kasi hindi namin
nakita kung saan ang ticket booth o pinagbebentahan ng mga game cards.
Paano nga ba namin makikita iyon kung nasa labas naman kami. Pagkatapos
mag-ipon ng lakas ng loob para maka-bili ng game cards, naging back to
zero ang confidence level namin ng sinabi ng attendant na hindi sa kanila
binibili ang mga cards, sabay turo sa ticket booth doon sa kabila. Ang dami
pa ng mga nakarinig at nakatingin sa amin. Kung pwede lang sana bumukas
ang lupa at lamunin kami ng buo dahil sa hiya. So balik kami sa defense
mechanism namin na tumawa ng tumawa kahit wala naman talagang
nakakatawa. Hindi naman talaga masyadong marami ang mga taong
naglalaro doon noong mga oras na iyon, karamihan sa kanila nakasalamin.
Napansin ko na maraming mga upuan ang bakante.

Sa wakas natunton na rin namin ang ticket booth. Masyadong busy si
kuya attendant sa mga tickets, wala namang bumibili ng mga cards sa oras
na iyon pero bilang siya ng bilang sa mga tickets. Nakapaskil sa harap ang
mga prices ng mga cards. Ang package cost ng Regular Card ay P20.00 at
ang Winner-Takes-All Card ay P30.00 naman. Napag-alaman naming ang
isang Regular Card ay sinasabing good for three games dahil may 3 tatlo
itong sheets na iba-iba ang kulay. Ang isang sheet ay may dalawang set of
games na katumbas ng isang regular game. Sa mga Winner-Takes-All Card
naman ay may dalawang bonus games sa pagitan ng mga regular games.
Maya-maya pa ay nakapag-desisyon na kaming tatlo na bumili ng
Regular Card. Tinawag namin yung attendant ng “kuya,” normal lang
naman kasi iyon sa unibersidad bilang simbolo ng paggalang. Medyo
natagalan nga lang ang attendant kasi busy talaga siya sa pagbibilang ng
mga cards. Habang naghihintay, may isang lalaking customer na tumabi sa
amin. Naka-suot siya ng kulay green na shirt, kasintangkad ko yata siya,
mga nasa edad 25 hanggang 30 siguro iyon. Sinabihan niya ang attendant
na bibili siya ng sampung Winner-Takes-All Cards sabay abot ang P500.00.
Suki na yata siya doon kasi parang kaibigan na niya iyong attendant, nasabi
ko iyon dahil tinawag niya ang pangalan ng attendant at sinabi niya rin na
babalikan niya na lang mamaya ang sukli. Nag-usap rin sila sandali. May
sinabi siya sa attendant tungkol sa amin, halata naman siyang haliparot at
nakikipag-fling. Sinagot naman siya ng attendant na huwag daw siya
masyado tumabi sa amin dahil baka tawagin namin siyang “kuya.” Ang
masasabi ko lang sa kanya na sinigaw ko ng malakas na malakas sa isip ko
ay “Whatever!”

Nang mai-abot na ng attendant sa amin ang mga cards ay agad na
kaming naghanap ng mauupuan. Sinurvey naming yung lugar kung saan
kami magiging komportable. Habang naghihintay kami na matapos ang
10:30 AM na session, ginamit ko na ang pagkakataong iyon para
makapagmasid at mag-obserba sa mga tao sa paligid.

Heto na. Nahahati sa tatlo ang Bingo Section ng mall. Ang unang
parte ay para sa Online Bingo, kung saan maraming mga units doon na
nakaprograma na agad sa Bingo. Ang ikalawang bahagi ang No Smoking
Area na bukas lamang para sa lahat. Ang ikatlo ay ang Smoking Area, ito ay
air conditioned din at hindi tulad ng No Smoking Area, ito ay nakasara.
Napansin ko na well-lighted ang lugar, masyadong maliwanag parang
may lamay, masyadong ma-ilaw parang nandoon ka sa harap ng ataul, yung
maraming nakapaligid na ilaw. Ang alam ko sinadya nila iyon para hindi
mahirapan ang mga naglalaro at kumapa sa dilim, lalo pa’t mga pensioners
ang mga karaniwan nilang customers na may problema na sa mata, kagaya
nga ng sinabi ko kanina marami sa kanila ang mga nakasalamin. Sa tingin
ko ay may edad 50 na pataas ang mga taong iyon. Pero ang ganoong klase
ng lugar na may magandang lighting ay sadyang nakakapag-akit sa mga tao
na pumasok at maglaro.

Sa No Smoking Area may sampung mahahabang mga mesa na
nakahanay. Isang metro lamang ang distansya sa pagitan ng bawat mesa.
Mahaba nga ang mga mesa ngunit narrow ito kaya kung may uupo sa harap
ng isang tao ay magiging magkakalapit ang mga mukha nila. Kaya pala
yung mga naglalaro ng mag-isa o walang kasama ay hindi rin tinatabihan ng
ibang tao lalo na ng hindi kakilala. Mas pinipili ng mga tao na tumabi sa
gilid ng hindi kakilala kaysa umupo sa harapan. Dito ko nakita ang isang
anyo ng non-verbal communication na tinatawag na proxemics o kalapitan.

Ayon kay Edward Hall, isang antropolohista, ang paglalagay ng agwat sa
pagitan ng mga katawan at ang postura ng tao ay mga hindi sinasadyang
reaksyon sa mga pagbabagong nagaganap sa kanyang paligid. Naisip ko
lang na maaaring hindi talaga magkakakilala o malalapit na magkakakilala
ang mga taong nandoon dahil upang maging komportable ay kailangan
nilang lumayo sa iba. Maaari rin na isa itong paraan ng management upang
hindi masyadong mag-uusap ang mga tao at maiwasan ang paglikha ng
ingay.

Sa ganitong posisyon din ay naiiwasan ang pagkakaroon ng eye
contact o wala talagang eye contact na nagaganap. Isa rin itong anyo ng
non-verbal communication na tinatawag na oculesics kung saan sinasabing
makapangyarihan ang mga mata upang lumikha ng mga kahulugan. Ito ay
importante ring tanda ng confidence at social communication. Ipinapa-abot
ng mga mata ang mood ng isang tao.

Napag-usapan na rin lang ang tungkol sa paningin, isa rin sa napansin
ko na sa mga importanteng patakaran na nakapaskil sa loob at labas ng
Bingo section ay kulay dilaw o pula ang ginagamit, nakakakuha kasi ito ng
atensyon ng tao at mas madaling makita kumpara sa ibang madidilim na
mga kulay. Ang mga vest din ng mga aid at mga attendants ay kulay dilaw
at pula rin. Mga light colors din ang ginamit para sa mga daubers.

Napansin ko na mas marami ang mga umupo sa harap ng electronic
flash board kung saan umiilaw ang mga numerong tinatawag ng caller.
Pakiramdam ko, siguro mas importante na makita muna ng mga naglalaro
na umilaw ang numero para maging mas sigurado sila sa narinig nila.
Napansin ko kasi na medyo may katandaan na rin ang mga naglalaro kaya
baka nagkakadiperensya na rin ang kanilang pandinig.

Isa pa sa nakita ko ay marami sa mga naglalaro ang gumagamit ng
dalawa o tatlong upuan na pinagpapatong-patong. Nagtataka ako kung
preference lang ba nila iyon o may koneksyon din iyon sa kanilang mga
pisikal na nararamdaman, maaring sakit o kung ano. Karamihan rin sa mga
naglalaro ay mga kababaihan.

Kahit na may edad na ang mga taong naglalaro doon ay talagang
mabibilib ka sa kanila sa bilis mga galaw nila. Saludo ako sa hand and eye o
ear coordination nila dahil kaya nilang pagsabayin ang sampung game
cards na may tigdalawang games. Salamat sa mga makapangyarihang
daubers na tumutulong mapabilis ang mga trabaho nila. Tatak lang ng tatak
ang mga tumatama. Masyado silang naka-focus sa ginagawa nila na hindi na
nila iniisip na makipag-usap sa katabi kung mayroon man. Wala rin akong
masyadong nakikitang mga facial expressions habang naglalaro sila.
Humanga ako nang may nakita ako na nakasulat sa gilid ng isang dauber na
salitang “glue” at mukhang pamilyar ang hitsura ng cylindrical na container
na iyon. Yun pala, lalagyan talaga siya ng glue na may filter sa itaas at
nilagyan ulit ng pintura para magsilbing dauber. Malikhain nga talaga ang
mga Pilipino pagdating sa pagtitipid.

Maya-maya ay nag-announce na ang caller na magsisimula na ang
12:00 noon na session. Binigyan kami tig-isa ng isang aid ng kopya ng Game
Program at Mechanics. Itinalastas na rin ng caller ang color code,
production at series numbers bago ang opisyal na pagsisimula ng laro.
Medyo kinabahan ako bago magsimula ang laro. Hindi kasi ako komportable
sa lugar, kung hindi dahil sa klase na ito hinding-hindi ko talaga ito
gagawin. Mas pipiliin ko pa na matulog sa bahay at managinip ng kung anuano
kaysa mag-istambay sa lugar na hindi ako komportable. Sa pagsisimula
ng game, panay ang kantiyawan at tawa naming tatlo kapag nakakatama
kami ng numero. Alam ko medyo maingay kami kaya pagkatapos ng round
na iyon ay nagmadaling lumipat ang isang kalapit naming babae palayo sa
amin.

Pagkatapos ng ikalawang regular game ay pinili naming lumipat at
mag-obserba sa Smoking Area habang naghihintay ng ikatlong regular
game at nilalaro pa ang mga bonus games para sa mga nag-avail ng Winner-
Takes-All Card. Pagdating namin sa loob ay agad naming napansin na mas
konti ang mga tao doon pero mas bata kaysa sa mga nasa labas. Kung sa
labas ay nag-iisa lang ang mga naglalaro o kabilang sila sa isang malaking
grupo, dito karamihan sa kanila ay mga pares o mag-asawa at grupo ng mga
mukhang sosyal na mga middle aged na kababaihan na ang lakas bumuga
ng usok mula sa sigarilyo. Marami ring mga lalaki doon na mukhang mga
magbabarkada o magkumpare yata. Kahit na mas kakaunti ang bilang nila
kumpara sa mga tao sa No Smoking Area, napansin ko na mas lively ang
lugar. Mas liberated ang mga tao, pakiramdam ko dahil mas bata sila dito.
Halos lahat sila may hawak na sigarilyo.

Ayon kay Hans Eysenck, isang psychologist na gumawa ng profile ng
mga tipikal na mga naninigarilyo, extraversion ang karaniwang katangian
na ini-uugnay sa paninigarilyo. Ang mga naninigarilyo ay may tendency na
maging mapagkapwa, mapusok, mahilig magbaka-sakali, at maghanap ng
gulo.

Napansin kong medyo madumi ang paligid, lalo na ang sahig,
nakakadiri tingnan. Mas lalo pa akong nandiri ng makita ko ang isang sign
board kung saan nakasulat na “Do Not Spit on the Floor.” Maraming mga
ashtrays sa bawat mesa.

Plano sana namin na doon na maglaro ng ikatlong game kaya lang ay
halos sabay-sabay kami na nahilo dahil sa usok at mabilis kaming lumabas.
Paglabas naamoy talaga namin ang mga sarili naming nangamoy usok at
sigarilyo. Ang baho talaga.

Sa ikatlong game, Fullhouse na ang formation. Pakiramdam ko mabilis
na natatawag ang mga numero sa cards ko. Kinabahan ako baka manalo
ako. Dalawang numero na lang ang natira nang may biglang sumigaw ng
Bingo! Marami ang mga nadismaya pagkatapos ng laro, mabuti na iyon,
kahit papaano nakita ko naman na may mga emosyon rin naman pala ang
mga taong ito pagdating sa paglalaro. Mabilis din silang naglabasan
pagkatapos. Pati kami lumabas na rin pagkatapos ng isa at kalahating oras
na pananatili.

Isa pa sa natutunan ko doon ay maaaring iwan ng may-ari ang
kanyang mga cards na nakalatag sa mesa basta naroon rin ang dauber na
iiwang bukas. Ang ibig sabihin noon ay may nagmamay-ari at babalikan
lamang iyon. Naging interesado ako sa penomenong ito dahil kahit na wala
itong nakasulat na polisiya ay sinusunod pa rin iyon ng mga customers.
Mga 6:00 PM, pagkatapos kong maglibot-libot sa mga sites ng mga
ka-klase ko ay bumalik na naman ako sariling site ko. Nagulat ako sa nakita
ko dahil nagmistulang family reunion o di naman kaya’y class reunion batch
’50. Masayado ng marami ang mga tao. Maraming matatanda at marami
ring mga bata. Naging mas makulay ang lugar at naging maingay. Dalawang
patakaran ang para sa akin ay nalabag ng mga taong nandoon. Una, ang
patakaran na panatilihin ang katahimikan sa lugar. At pangalawa, ang
patakaran na nagsasabi na bawal pumasok ang mga estudyante at mga
taong edad18 pababa, may nagdala pa nga ng cart ng bata doon.
Medyo natawa ako sa mga taong nakita ko na naglalaro na pamilyar
sa paningin ko, doon pa rin sila sa mga upuan nila nakaupo kung saan ko
sila nakita kaninang umaga. Doon ko naisip na halos buong araw na pala
naglalaro ang mga taong ito dito. Kung iisipin, napagod nga agad ako at
nawalan ng interes sa pananatili ko doon sa loob lamang ng isa at
kalahating oras, pero sila nakayanan nilang magtagal ng ganon katagal.
Napa-isip tuloy ako, para nga lang ba sa katuwaan ang pinunta ng mga
taong ito dito? O may mas mahalaga pa silang layunin sa pananatili nila
doon.

Conclusion

Ang Bingo ay marahil isa sa mga pinaka-kinagigiliwang laro ng mga
Pilipino. Kapansin-pansin ito sa mga pagtitipon-tipon ng mga pamilya, sa
mga selebrasyon ng simbahan, sa mga piyesta at mga lamay, sa mga
reunion sa paaralan at kapisanan, mula sa mga rural na bayan hanggang sa
mga shopping malls.

Marami na ang mga pinagkaiba ng laro mula ng dalhin na ito sa mga
malls. Kung sa baryo ay maingay talaga ang mga laro, sa malls kailangan
tahimik ang mga tao sa paglalaro at tanging boses lang ng caller ang
inaasahang marinig at wala ng iba. Sa mga baryo, bilog o parisukat ang
mga mesa na ginagamit upang mas maging masaya na kasama ang buong
pamilya, ngunit sa mga malls ay rectangular ang mga mesa at hindi iniencourage ang mga tao na mag-usap-usap upang maiwasan ang mga ingay.
Seryoso din ang atmosphere sa mall, lalo na ang caller, di tulad sa mga
baryo na may mga dagdag na mga brainteasers ang mga callers bago nila
sinasabi ang numero. Halimbawa, “sa letrang I, dalawang madreng
nakaluhod” para sa I-22; “sweet na sweet” para sa numerong 16 at “isang
buntis” para sa 5, at iba pang mga nakakatawang parirala. Sa ganitong
paraan, mas may interaction na nagaganap at mas nawiwili ang mga
naglalaro, hindi tulad sa mall na electronic flash boards na lang ang
tinitingnan. Isa pa, mas lalong nagiging mag-isa ang tao sa online gaming
ng larong ito. Mag-isa siyang naglalaro kaharap ang monitor ng kompyuter.
Sa tingin ko, pagdating sa usaping libangan, maaaring doon
binubuhos ng mga pensionada ang kanilang oras, kumbaga pampalipas oras
nila ito. Para naman sa mga mag-kumpare at mga magkaka-ibigang babae,
ang Bingo ay isang anyo ng socialization. Ngunit hindi naman lahat ay
nabibilang at nagtatapos sa ganitong kategorya, dahil naiisip ko lang na
may iba akong napansin doon. Hindi naman kasi lahat pamatay-oras lang
ang laro o di naman kaya’y form of socialization lang. Paano yung marami
na wala namang mga kasama? Paano yung marami na halos ayaw umupo sa
harap ng isang mesa kung may nauna na? Paano naman yung mga bumibili
ng sampung cards na may tigdalawang sets sa laro at matiyagang-matiyaga
sa pagtatatak ng daubers sa mga cards? Paano yung mga seryoso sa laro at
parang napipikon kapag may sumigaw ng “Bingo!”? At panghuli, paano
naman yong mga taong nandoon at naglalaro buong araw na halos hindi na
tumatayo at umaalis sa parehong upuan? Doon ko lang naisip na isa na rin
pala itong anyo ng pangkabuhayan. Tumataya sila at nagbabakasakali na
maibabalik sa kanila ang perang binayad ng doble, triple, o kung pwede pa
nga ay ilang ulit pa. Magkaroon lamang sila ng ikabubuhay at pantawid sa
araw-araw.

Masaya ako sa fieldwork na ito dahil marami akong mga natutunan sa
mga bagay na dati ay binabalewala ko lang. Marami ring mga pagkakaiba
na dati akala ko ay parehas lamang. Hindi nga madali ang maging isang
antropolohista, hindi lang yan panonood kundi pag-aaral din. Ito ang
paghahanap ng karaniwan sa mga hindi pangkaraniwan at paghahanap ng
mga hindi pangkaraniwan sa mga karaniwang bagay. Ang mga teoryang
ginagamit ay hindi lamang panunungkit ng mga magagandang salita upang
lumabas na kapani-paniwala ang iyong mga nakita, kundi ito ay isang
instrumento o paraan ng pagtingin sa mundo upang mas lalo itong
maunawaan ng ibang mga tao na nasa loob at labas ng pinag-aaralan.

References or Literature Cited:
Bingo. “http://en.wikipedia.org/wiki/Bingo_(U.S.)”. Retrieved October 10,
2009.
Oculesics. “http://en.wikipedia.org/wiki/Eye_contact”. Retrieved October 10,
2009.
Proxemics. “http://en.wikipedia.org/wiki/Proxemics”. Retrieved October 10,
2009.
Smoking. “http://en.wikipedia.org/wiki/Smoking”. Retrieved October 10,
2009.

October 22, 2009

Hithit-Buga: Ang Yosi sa Loob at Labas ng SM City Davao by Vincent Jayme Amorio

Filed under: Uncategorized — laagmallrats @ 1:59 am

Abstrak

Ang pag-aaral na ito ay sentro sa Wine, Liquor and Cigarette Section ng SM City Davao. Layunin ng pananaliksik na ito na mailarawan ang kalakaran sa seksyon na ito at masuri ang iba’t-ibang klase ng mga mamimili dito.

Sa mahigit sampung oras na pananatili ko sa SM (malaking parte nito sa Yosi’t Alak Section), napag-alaman ko na paboritong yosi ng mga mamimili ay ang Marlboro, lalo na red. Sa aking tantsa base lamang sa araw na ‘yon, nasa edad trenta pataas at halos mga lalaki ang mas dumadaan sa seksyon na ito upang bumili ng yosi o alak. Bihira mong makita ang babae na bumibili ng yosi o alak.

Sa pamamagitan din ng pagsunod ko sa isang grupo na bumili ng yosi sa seksyon na iyon, nalaman ko na maaari palang maglakbay ang yosi, sa iilang minuto lamang, patungo sa isa pang parte ng mall, ang coffee shop. Dito ko nasabi na posibleng ang coffee shops ang nagsisilbing smoking area sa isang mall.

Mga Salitang Pabalbal:

Bugarets – mga taong ang bisyo ay ang manigarilyo

Hithit-buga – sunod-sunod na paninigarilyo

Marlboro – brand ng sigarilyo. May iba’t ibang flavors: Red, Gold at Green.

May amats – nalasing sa alak

Tumutoma – mahilig uminom ng alak

Yosi - sigarilyo

Mag-aalas diyes ng umaga, araw ng Sabado, nang tinungo ko ang SM. Medyo maganda ang panahon paglabas ko ng boarding house — hindi nakakatamad para sa isang buong araw na paguran. At dahil nga isang sakayan lang ang aking boarding house patungong SM, sigurado akong makakarating ako sa lugar ng maaga. Sakay ako ng jeep. First time kong sumakay sa jeep na may ganoong ruta — ang jeep na pumapasok talaga sa SM, sa may likuran. Tamang-tama, ang lugar na pupuntahan ko sa SM ay makikita sa dulo ng gusali.

Pagbaba ko ng jeep, nakapila na ang mga tao sa labas ng SM. May humigit-kumulang dalawampung ka-tao ang naghihintay sa pagbukas ng back door, kabilang na doon ang aking propesor. Mas maaga pa ata sya kaysa sa mga estudyante nya. Lumapit ako sa kanya upang humingi ng final instruction. Sinabi din nya agad na pwede na akong magsimula. Kaya naman pumasok na ako sa pintuan sa hanay ng supermarket dahil mas maaga itong nagbubukas kumpara sa ibang mga pinto.

Ang aking subject: WINES, LIQUORS, AND CIGARETTES SECTION. Ngunit para sa pananaliksik na ito, tatawagin ko ang seksyong ito na YOSI’T ALAK SECTION. Sabi nga nila, mas mapapadali ang trabaho kung gusto mo ang iyong ginagawa. Personal kong pinili ang seksyon na ito dahil una, ako mismo ay tumatangkilik sa mga produkto dito. Sa tuwing pumupunta ako ng SM, dumadaan talaga ako dito dahil, bukod sa naaaliw ako sa iba’t-ibang bote ng alak, ako ay bumibili din ng yosi, Marlboro… yung red. Pangalawa, pinili ko ang seksyon na iyon dahil gusto kong malaman kung marami ba ang katulad kong bugaret at kung anong klaseng mga tao ang bumibili ditto.

Eksakto alas diyes ng umaga sa aking cellphone nang nakarating ako sa Yosi’t Alak Section. Hindi ako pumasok kaagad. Nagmasid muna ako, tiningnan ang iilang tao na dumadaan patungong supermarket. Sa Yosi’t Alak Section naman, tatlo pa lang ang tao. Una kong nakita ang babaeng cashier na naka-uniporme katulad ng iba pang saleslady sa SM. Nasa bente-singko anyos ang itsura ng babae, morena at halatang praktisado ang ngiti pag tiningnan mo. Sa gilid nya ay isang babae din na iba ang uniporme: pula ang damit nito at nakapantalon lang, mukhang promo girl ng isang produkto ng alak. Hindi ko kaagad napansin ang hindi katangkarang lalaki na seryosong nagsusulat sa mga lalagyan ng yosi.

Dahil ayokong mapagkamalang may masamang binabalak sa isa sa kanila o sa mismong tindahan, napag-isipan kong humingi na lang ng permiso upang payagan akong makapagmasid sa loob mismo ng tindahan.

“Good morning, maam. I’m from UP Mindanao po. I’m doing a Social Science research and my subject is the wine and cigarette section of SM. Bale, kung pwede po, labas-pasok ako dito sa store para i-observe and mga tao na bumibili. Tapos po, baka hanggang sa magsara ang SM ang observation ko. Ok lang po ba yun?”

‘Yan mismo ang linya ko sa cashier sabay pinapakita sa kanya ang school I.D. ko. Ngumiti lamang sya at tinuro ang lalaking nasa bandang gilid. Boss daw nila ang nakaputi na lalaki. Pinuntahan ko ang boss nila at inulit ang aking linya. Medyo natakot ako nang sinabi nya na hindi pwede ang gagawin ko. Ang sabi nya kailangan ko pa raw munang magpadala ng letter sa head office at hintayin ang approval ng management. Dinipensahan ko ang sarili ko at sinabing hindi na ata kailangan dahil hindi naman talaga dapat malaman ng mga tao na inoobserbahan ko sila. Gusto ko na sanang sabihin na “isipin nyo na lang na invisible ako” pero hindi pwede dahil kailangan kong magmukhang magalang at mabait. Dinagdagan pa nya na baka hulihin ako ng mga gwardya na hindi naka-uniporme na nagroronda sa loob ng SM. Submissive lang ang aura ko habang nagsasalita sya. Di nagtagal ay pumayag din si boss. At ito ang huling bilin niya sa akin: “Basta huwag mo lang kakausapin ang mga customers at huwag kang magtanong sa kikitain naming sa araw na ‘to.” Hudyat na nga ‘yon na pwede na akong magsimula sa aking pag-oobserba.

Dahil wala pang customer, naglakad-lakad muna ako ng konti para malaman ang malalapit na tindahan sa Yosi’t Alak Store. Sa harap nito ay baggage counter. Sa kanan naman ay may isang maliit na stall na nagtitinda ng sweetcorn at fruit shakes. Sa mga oras na ‘yon ay hindi pa ito nagbubukas.  Sa unahan ay ang SM supermarket. Harap ng supermarket ay may tindahan din ng foams, video game gadgets at magazines at libro. Bandang 10:10 ay may dumating na mag-asawa nasa edad 50 dahil pareho silang medyo puti na ang buhok. Matagal din silang naglibot-libot sa loob, maya-maya’y nakikipag-usap sa promo girl. Sa vodka section sila nagtagal. Pero umalis din sila sa tindahan na wala ni-isang binili. Pagkatapos ng apat na minuto ay dumating ang isang matandang lalaki na puti na rin halos lahat ng buhok, nakaputing polo shirt at maong na pantalon. Isang Hope 20’s ang binili nya.

Matagal pa bago nasundan ang unang customer kaya naglibot-libot ako sa loob. Nagtanong ako sa promo girl kung anong brand ang pinakamahal at tinuro nya ang Black Label na may presyong 6,832 Php. Tiningnan ko rin ang binibentang mga yosi at wala akong nakitang Dunhill, Gudang Garam, Capri, Black Bat, Black Devil, at ang iba pang mamahaling yosi na nabibili sa Lighters’ Galore. Maya-maya pa ay may dumating na isang customer at agad kumuha ng Marlboro Gold 20s sa lalagyan ng mga yosi. Nasa 30’s na sya at mukhang taxi driver dahil naka-uniporme ito. May dumating na naman na customer na bumili ng Marlboro Red 20s at sa aking paghuhusga ay mukha syang family driver. Paisa-isa ng dumating ang mga customer at puro yosi pa rin ang binibili. Bandang 10:32, may isang nakapambahay na pumasok at bumili ng Tanduay – Long Neck. Sa aking tantsa ay inabutan na ito ng umaga kakalak-lak at nabitin pa rin kaya sinadya ang Yosi’t Alak Store para dagdagan ang amats nya. Nagsidatingan pa rin paisa-isa ang mga customers na puro lalaki at yosi pa rin ang binibili. Madalas ay middle-aged ang mga ito at ang iba ay mukhang mga notorious sa laki ng mga tattoo sa braso.

Lumabas ako sa tindahan at tumambay sa bookstore na hindi ata attractive enough para mang-engganyo ng mga customers. Mga sampung metro lang ang layo nito mula sa Yosi’t Alak Store kaya naman nakikita ko pa rin ang nangyayari sa loob. Patuloy pa rin ang pag-aayos ng promo girl sa mga bote ng alak samantalang ang cashier naman ay nakikipag-usap sa lalaki sa baggage counter. Posibleng mag-usap ng dalawa dahil walang pintuan sa Yosi’t Alak Section.

Sa maikling panahon ng aking pag-oobserba, napansin ko na ang mga customers, kung hindi galing sa labas ng SM, ay galing sa supermarket dahil may bitbit silang yellow cellophane.

Bandang alas-onse ay nag-traffic na sa Yosi’t Alak Store. May mga babae na ring pumapasok at bumibili ng mga inumin (Gilbeys Gin at Island Lime) at mahaba-haba na rin talaga ang pila sa counter. Maya-maya ay dumating ang isang grupo ng barkada, mga nasa edad 18-20, isang babae at tatlong lalaki, at bumili ng isang Marlboro Green at Red. Kasabay din nila ang mag-syota na tantsa ko’y first time bibili ng yosi dahil matagal pa bago sila nakapili ng yosi. Mga isang minuto silang patingin-tingin sa stall at medyo nagdedebate kung ano ang bibilhin. Syempre pa, nalaman kong first time nga ata nila yun dahil kung matagal-tagal ka ng nagyoyosi ay siguradong alam mo na ang choice mo. Kinuha ng lalaki ang 20s na Marlboro Red at agad din itong binayaran. Good luck na lang sa pagkahilo nila’t Red ang sinubukan nila.

Dala na rin siguro ng boredom ko sa lugar kaya naisipan kong sundan ang magbarkada na bumili sa Yosi’t Alak Section upang alamin kung saan ang sunod nilang pupuntahan. Mukhang gagamitin kasi nila agad ang yosi dahil tinatapon-tapon ito sa hangin ng dalawa nilang kasama habang naglalakad. Nasundan ko sila hanggang sa Karl’s Coffee Shop, na matatagpuan sa kaliwang parte ng SM, kung saan pwede kang magyosi habang nagkakape. Kunwari’y dumaan lang ako sa Karl’s kaya naman bumalik ako sa loob para mananghalian.

Sa Mandarin Tea Garden. Doon hinintay ako ng aking kaklase na si Christine. Isang oras kami sa loob. Kuwentuhan sa nangyari at nagplano sa susunod na gagawin. Napag-desisyunan kong huwag munang bumalik sa Yosi’t Alak Section para samahan si Christine sa Guess Section ng SM. 1:05pm nang tinungo namin ang Guess. Dahil nga siguro may kamahalan ang mga damit at iba pang paninda doon, bihira lang ang taong pumapasok. Sa aming pananatili sa loob ay may tatlo ka-tao lamang ang pumasok — isang mukhang seaman, mag-asawang Muslim at isang nasa 20s na babae na mukhang mayaman. Hinintay ko talaga na may isa sa kanila na bibili ngunit wala talaga. Kaya naman pumunta na lang kami sa MANGO para ipagpatuloy ang pag-oobserba.

Magkatabi ang MANGO at National Bookstore. Ang MANGO ay nagtitinda ng mga damit pambabae na medyo may kamahalan din. May iilang babae kaming naabutan sa loob na pumipili ng mga damit. Medyo napagod ako sa kakatayo kaya naupo ako sa couch ng MANGO habang si Christine ay nagsusukat ng mga damit. Nalaman ko na talagang mayayaman o feeling-mayaman talaga ang target customers ng MANGO. Biruin mo, tatlong babae na hindi naman sabay pumasok ang naka Louis Vuitton bag. Pero sabi ni Christine, fake daw ang mga ‘yon. Alam kong alam nya kung ano ang authentic dahil may LV sya na orig. Mas mayaman pala talaga ang kasama ko! Maya-maya pa’y ang isang babae na naka-LV ay nagbayad na sa counter ng binili nyang damit. Maganda ang babae kaso nakakaturn-off ang fashion statement. Pano ba naman kasi, naka-skinny jeans tapos black na blouse, naka-white pearl na kwintas at bracelet at hindi ko kinaya ang gold na high-heeled closed shoes nya. Anyway, may mga napansin akong mga lalaki na pumasok sa MANGO na mukhang napilitan lamang pumasok ng kanilang girlfriend o kapatid sa loob. Halatang hindi sila nasisiyahan sa loob. Ang isang lalaki, patingin-tingin na lang kahit saan habang hawak-hawak ang kanyang kamay ng kanyang girlfriend. Ang isa naman, naupo kaagad sa kabilang couch. Matagal-tagal din kami sa loob. Maya-maya pa, nagiging weird ang mga customers. May isang babae na naka micro-mini skirt tapos naka halter na gray at parang galing Japan dahil sa laki ng butas sa may bandang dibdib nya. Plunging kung plunging neckline ang labanan. Idagdag mo pa ang mala-Goldilocks na buhok nya. Maya-maya pa ay may dumating na black guy, foreigner. Magkasama pala sila ni Goldilocks. Pili ng pili ang babae at bago pa man sya nakabili (kung may binili man sya) ay lumabas na ako sa MANGO dahil naisipan kong magkape at magyosi.

Alas tres ng hapon nang pumunta ako sa Karl’s Coffee Shop. Isang kaibigan ang nakita ko kaya sumabay na lang ako sa kanya. Sa labas kami ng Karl’s para pwede akong magyosi. Nagsindi ako ng yosi at nag-order ng Frappe. Kwentuhan lang kami. Marami pala talaga ang pumupunta sa Karl’s. Mga bugarets din talaga ang customers ng Karl’s. Kaya naman naisipan kong alamin ang mga niyoyosi ng mga tao sa Karl’s.

Nasa bandang gitna ang aming mesa kaya naman strategic ito para makita ko ang yosi ng mga tao. Sa kanan na mesa, may dalawang matandang babae na mukhang mga nagbaballroom para makahanap ng gwapong dance instructor. Malinis ang pagkakagawa ng mga kilay nilang dalawa at halatang colored na ang mga buhok na tigas na tigas sa spray net. Black coffee ata ang iniinom nila at pareho silang nagyoyosi ng Philip Morris, yung original. Sa likuran namin ay may dalawang babae na nasa edad 20 na umorder ng cake at iced tea. Marlboro Red naman ang yosi nila. Hardcore! Sa harap naming ay may dalawang lalaki na parang mga medical representatives kung manamit na umiinom ng hot coffee sabay yosi ng Marlboro Gold. Sa kaliwa namin ay may anim na maiiingay na lalaki. Mukhang mga car racers at brat kids. Sa mesa nila ay may Yellow Cab Pizza at meron ding frappe, hot coffee at iced tea. Iba-iba ang yosi nila — may Marlboro Red, Green at Gold. Mga isang oras din kaming nagsama ng kaibigan ko. May lakad pa sya kaya naman nauna na syang umalis. Pagka-alis nya ay pumasok ako sa loob ng Karl’s para tingnan kung anong uri ng mga tao ang nasa loob.

Pagpasok ko, may mga tatlong lamesa lang ang occupied. Cozy ang loob ng Karl’s. Nakakarelax kaya naman sinulat ko na lang ang iba pang observations habang nasa loob ako. Syempre pa, nakakahiya naman kung wala akong bibilhin kaya umorder uli ako. Cappuccino naman para maiba. Sa katabing mesa, may isang lalaki na nakaupo. Mag-isa lang sya. Pamilyar sya sa akin dahil sya ang may-ari ng Knollman (advertising shop na nagpiprint ng tarpaulin at posters) at suki ang organization ko sa school sa kanila. Iba sya dahil isang San Mig Light in can ang nasa mesa nya at isang slice ng cake. Sa mesa banda sa counter ay may dalawang babae na mejo punk pumorma. Wala akong nakita ni isang pagkain o kape sa mesa nila. Nagkukuwentuhan lang sila. Hindi naman sila ang may-ari dahil kilala ko ang may-ari ng Karl’s. Sa dulo ng Karl’s ay may tatlong babae na mukhang Atenista na may blended coffees isa-isa. Isang oras uli ako sa loob kaya ng natapos ang aking pagsusulat ay bumalik ako sa loob.

Naglibot-libot uli ako pinasok ko ang Penshoppe, Bench, Human, Oxygen, Artwork, at Onesimus. Noong napagod ako ay bumalik na ako sa Yosi’t Alak Section para alamin kung may mga bumibili pa ba kahit mag-gagabi na.

Marami ng tao sa loob ng Yosi’t Alak Section. Hindi pala talaga sila nalulugi. Marami pala talagang sunog-baga at tumutoma sa Davao. Halos mga lalaki pa rin ang bumibili ng yosi at Marlboro Red pa rin ang pinakamabili. Hindi ko napansin agad na iba na pala ang cashier sa oras na ‘yon. Pareho pa rin ang uniform nya sa nauna ngunit mas maganda ang pangalawa. Hindi ko na rin sya sinabihan ng nauna kong linya sa unang cashier dahil busy na sya sa dumaraming customers na pumipila.  Bandang alas syete ng gabi ng tuluyan na akong umalis sa Yosi’t Alak Section. Pinuntahan ko ang mga kasama ko sa Karl’s at doon nakita ko na naman ang mga bugarets, kasama na ang mga kaklase ko.

Hinintay na lang namin ang dinner kaya hithit-buga kami sa labas ng Karl’s. Habang bugarets mode ang lahat, naisip ko na walang pinipiling oras ang mga taong bugarets na pumupunta sa mall. Umaga, hapon, at gabi, basta’t makapag-yosi, ok lang. Napatunayan ko rin na mabentang negosyo ang coffee shops lalo’t nasa mall sapagkat ang mga lugar na ito ang nagsisilbing smoking area ng mga tao. At syempre, ang taong adik sa yosi, adik din sa kape kaya naman tiyak na papatok ito. Perfect combination nga daw sabi nila.

Ang Yosi’t Alak Store, base sa aking obserbasyon, ay strategic ang pwesto dahil nasa bandang exit ito ng SM at malapit lang sa parking area. Madalas  naman kasi ay mga may-edad ang bumibili, halos may sasakyan at kahit ang drayber ng mga may sasakyan. Isa pang konklusyon sa aking pananaliksik ay ang pagkakapare-pareho ng panlasa ng mga Davaoeňos pagdating sa yosi. Pinakamabenta ang Marlboro Red, sunod ay ang Gold at Green. Wala ding pinipiling tao ang Marlboro, matanda man, babae, lalaking mukhang notorious at kahit lalaking mukhang magpapari, mayaman o mahirap.

Marahil dahil na nga sa adiksyon na dulot ng yosi, kahit pa mas mahal ang presyo nito kapag nasa loob ng mall ay binibili pa rin ng mga tao mapunan lamang ang kakaibang sarap na tanging yosi lamang ang makapagbibigay.

October 19, 2009

BUHAY-BUHAY SA LOOB NG MALL by Salubre, Judymae C.

Filed under: Uncategorized — laagmallrats @ 8:15 am

BUHAY-BUHAY SA LOOB NG MALL

 

Salubre, Judymae C.

2007-34998

Ika-13 ng Oktubre 2009

ANTH 125

 

 

 

Abstrak

 

Ang papel na ito ay isang etnograpiya na produkto ng isang araw na pamamlagi at pagmamasid sa SM City Mall of Davao. Naisagawa ang naturang fieldwork noong ika-12 ng Setyembre taong 2009. Ang aktibidades ay bahagi ng klaseng ANTH 125 na may course description na Peoples and Culture of Mindanao. Naglalayon ito na mas mapalawak pa ang saklaw ng pag-aagham tao hindi lamang sa romantikong ideya ng pagsasagawa ng fieldwork na kadalasan ay sa malalayong rural na pook. Ini-endorso ng papel na mag-aral ng pag-aagham tao sa mga pook na hindi gaanong nabibigyan ng pansin bilang isang field, kabilang na ang paggawa ng fieldwork sa mga urban na lugar tulad ng mga malls. Inililiko muna ng papel ang tuon sa hindi tradisyonal na field para bigyang-pansin ang pamumuhay ng tao sa loob ng isang mall. Layon din nitong makaambag nang kaalaman tungkol sa Mindanao sa pangkalahatan.

 

Susing salita

kulturang popular, mall, pamimili, supermarket

 

 

Kung fieldwork lang naman ang pag-uusapan, agad sumasagi sa isip ko ang tanawin ng mga bulubundukin, mayayabong na puno, matitirik na daanan, mga ilog o kaya nama’y mga talon at isang tribo ng mga tao. Gustong-gusto kong isipin na lahat ng fieldwork ay binubuo ng mga mahahaba pero nakakaaliw na paglalakbay. Mga tipong nakakaiyak ang pagod na daranasin sa kakalakad at iyong nakakaiyak rin ang tagumpay na madarama kapag narating na ang fieldsite. At bilang bida ng paglalakbay, nasasalamin ko ang aking sarili na nakaporma ng tulad ng iniisip kong stereotype na hitsura ng mga antropolohista tuwing nasa field—- may malaking bag, nakabandana o may kung anu-anong takip sa ulo, nakasuot ng jogging pants at sapatos na matibay (na biro pa ng mga kaklase ko ay dapat daw na Merrell ang brand). Puro mga romanticized na ideya ng fieldwork, kumbaga. Pero, natapos ang lahat ng aking pag-aasam nang dalawa na sa aking mga guro ang nagsabing nasa malapit lang naman daw ang mga dapat na pag-aralan.

 

Bakit pa nga ba? Minsan nang ipinaalala sa akin nang isa ko pang guro na impluwensiya ng kolonyal na pag-iisip ang mangalap ng mga sa tingin ko ay “exotic” na pag-aaralan, na masyado nang gasgas ang pumunta sa mga bundok at maghanap ng mga Lumad. At kung papatulan man, siguro ay hindi na ganoon katindi ang pagnanais na magpaka-exotic. Nakakapababang-loob para sa bayan. Napaisip ako na kung tao talaga ang gusto kong pag-aralan, dapat nasa aking radar na gamitin ang pagiging antropolohista ko (raw) kahit saan, kahit kalian, basta may tao. Dapat siguro ay maging interesado ako sa tao at sa magiging ambag nito sa bayan, at hindi sa pansariling kagustuhan lamang na makaranas ng adventure. Kaya dito pumasok ang isang paglalakbay din naman. Pero isang naiibang paglalakbay sa aking inakala. Ang fieldsite: sa loob ng Shoemart ng Davao o mas kilala sa bansa bilang SM City of Davao.

 

Ang orihinal na plano ay sa ganap na pagbubukas ng SM, ang lahat ng mag-aaral ay nakapuwesto na sa nakatoka nilang mga lugar sa loob ng mall. Dapat maging mapagmatyag ang lahat hindi lamang sa kanilang kapaligiran, kung hindi pati na rin sa oras. Pagdating ng tanghaling tapat, may break para kumain ng tanghalian at mamahinga ng kaunti. Nasa kanya-kanyang lugar na naman kami mula ala una hanggang alas tres ng hapon. Magkakaroon uli ng break at babalik sa ikaapat ng hapon hanggang sa mapagpasyahan na naming kumain na nang hapunan ng sabay-sabay.

 

Iyon sana ang magiging timeline namin para sa naturang araw. Sa kasamaang palad, hindi ko iyon natupad. Maraming aberyang nangyari upang hindi ako makarating sa tamang oras. Kasama ng aking tatlo pang kaklase, pasado alas dose na ng tanghali nang kami ay makarating sa mall. At dito nagsimula ang samu’t saring pangyayari at karanasan na hindi ko maipagpapalit bilang isang nagsisimulang antropolohista.

 

Pamumuhay sa loob ng mall. Minsan ko nang naging pampalipas oras ang mall. Noong nasa hayskul pa ako, naalala ko, naaaliw ako sa tanawin ng maraming tao. Minsan ko na ring ginawa ang magbabad sa foodcourt ng mall buong maghapon para lamang tumingin ng iba’t ibang tao. Naging isang trying-hard na antropolohista na pala ako noon. Hindi nga lang sa mismong mga parehong mata at teorya ang bitbit ko kagaya ngayon (sana nga). Akala ko noon, hanggang doon lang talaga ang buhay sa loob ng mall: makakita ako ng iba’t ibang uri ng tao na may iba’t iba ring ginagawa na nagpapabusog sa aking mga mata. Ang hindi ko alam, sa samu’t saring gingawa ng mga tao sa loob ng mall, may kultura pala itong ipinahihiwatig.

 

Ano nga bang uri ng kultura ang nasa loob ng isang mall? O din naman kaya ay mas angkop na itanong kung anong pamumuhay kaya ang nasa loob ng isang SM City Mall? Mula sa panulat ni Rolando Tolentino na may pamagat na Kulturang Mall, may nakilala akong isnag uri ng kultura na ngayon ko lamang napagtanto. Sa kanyang akda, dahan-dahan kong nakilala ang angkop na paliwanag tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa loob ng isang mall. Ito ay nabigyang paliwanag ng mga sumusunod na teksto mula sa akda:

 

Ang kulturang popular ay may kapangyarihang lumikha ng kulang at sobra sa atin. Palagi nitong ipinamumukha ang ating kasalatan sa ideal na ginawang masibong pamantayan ng panggitnang-uring pamumuhay. Ang panggitnang-uri ng pamumuhay ang pamantayan ng kulturang popular; ito ang nililikhang ideal na imahen ng normal na pamumuhay, isang imahen na mahirap makamit ng mayoryang maralita sa bansa (pahina iv).

 

Hindi libre and kulturang popular. Tunay na nararanasan lamang ito ng mga may kakayahang bumili at magbayad (pahina vi).

 

 

Sa realidad na inilahad ng kulturang popular, ang karanasan sa loob ng mall ay hindi ligtas sa saklaw nito. Ang mall ay isang instrumento na nagbibigay sa atin ng mga bagong pangangailangan at pagnanais, na dati-rati naman ay hindi natin kailangan. Isa ang mall kasama ng mga paalala sa telebisyon, radio at mga dyaryo at ng iba pang mga elemento na nagpapalaganap ng uri ng pamumuhay na kagaya ng mga nasa panggitnang-uri. Mas lalo pa itong nagpapasidhi sa mga karaniwang mamamayan na  pairalin ito sa kanilang kamalayan dahil sa lahat naman tayo ay maaaring pumasok ng mall kahit na wala tayong bibihin.

 

Sa pamamagitan ng konseptong kulturang popular papasok ang layunin ng papel na ito: ang makapagsulat ng papel na naglalaman kung paaano ang pamumuhay sa loob ng mall na mailalarwan sa tulong ng kulturang popular.

Sa labas ng supermarket. Personal kong pinili ang supermarket bilang aking magiging puwesto. Hindi ko man mawari ang eksakto kong dahilan, ang alam ko lang, ang pamimili sa supermarket ang pinaka-namimis kong gawin kasama ng aking Mama. Sa ganap na alas dose, sinimulan ko ang aking trabaho ng pamasid-masid sa labas muna ng supermarket. Tinahak ko ang daanan na nasa gitna ng mall, sa harap ng daanan din papasok ng department store. 

 

Isang linya ng mga maliliit na stalls na nagtitinda ng iba’t ibang pagkain ang aking nadatnan sa kaliwang bahagi ng labas ng supermarket. Tanghali, kaya marami-rami na rin ang kumakain ng tanghalian na galing pa sa pamimili. Ang iba’y naghihintay ng kanilang kasama. Ang iba nama’y namamahinga dahil sa iilang carts din ang nakapalibot sa kanila. Baka isang buong umaga din silang namili at nangawit ng husto ang kanilang mga balakang at paa. Sa kabilang dako naman, sa may kanan, isang daan palabas ang makikita patungong car park. Marami ring tao ang palabas na galing sa pamimili, iyong mga may sasakyang nakaparada sa labas. Mayroon ding bayad center at botika na naroon sa dakong iyon. Matumal ang tao. May tatlong gwardiya namang palakad-lakad sa labas. May dalang radyo at patingin-tingin sa mga taong nagdaraan at tumutulong sa mga mamimiling nangangailangan. Ilang minuto pa at nagsimula na ang aking paglalakbay sa loob ng grocery store.

 

Dumaan ako sa kaliwang entrada papasok ng supermarket. Bilang bahagi ng security measures, dumaan din ang aking bag at katawan sa masusing inspeksyon. At nagtuluy-tuloy na ang aking pagmamasid sa loob ng supermarket.

 

Anong nga bang naroroon sa loob? Maliwanag ang kabuuan ng loob pagapsok ko. Agad kong nilakad papuntang dulo pakanan ang loob upang pansinin ang mga nilalaman ng bawat istante. Ang supermarket ay binubuo ng tatlong magkakasunod na parte. Pagpasok sa kaliwang entrada, mapapansin na isang linya ng housewares ang naka-display. Mula basahan hanggang sa mga gamit sa kusina hanggang sa mga plastic wares na lalagyan ng mga kung anu-ano at mga gamit sa banyo. Pagkatapos ng housewares, magkakasunod naman ang hilera ng istante ng mga dry goods. Mula housewares, nagsimula ang linya ng mga istante sa mga produkto na sa tingin ko’y hindi mahalaga lamang sa iilang pamamahay ng ating mga kababayan hanggang sa pinkakailangan. Mula sa mga pangangailangan ng mga alagang hayop, mga kemikal na ginagamit sa bahay tulad ng insecticides, mga sabon gamit sa paglalaba, sabon na gamit sa paliligo, iba’t ibang sabon na depende sa sitwasyon ang paggagamitan, disposable containers, mga de lata at mga istante na may laman ng mantikilya at mga pangangailangan sa pagbebeyk. Ibang hilera na naman ng mga ipinagbibili na produkto ang makikita kung sa mismong gitna tayo dadaan mula sa housewares. Makikita roon ang mga istante ng iba’t ibang uri ng gatas, kape, energy drinks, delicacies, puwesto kung saan lahat ay mga pambatang produkto ang nakahilera tulad ng growing-up milk na may pangalang kids at play section, mga biskwit, na sinundan ng mga de lata, condiments, mga noodles at mga pangsahog sa salad. At sa ikatlong seksyon ng supermarket, naroon sa pinakadulo ng papuntang kanan ang wet goods section. Nakahilera din doon ang iba’t ibang nabibili na pagkain na madalas natin makita sa mga palengke. Sa wet goods section, makikita na nakahilera din ang magkakaparehas. Nasa isang sulok ang mga prutas at gulay, sa ibang sulok naman ang isda at iba pang lamang-dagat. Iba naman ang kinalalagyan ng mga preserved foods tulad ng daing at iba rin para sa lean meats tulad ng karne ng baka, manok at baboy.

 

Mapapansing organisado ang pagkakalagay ng mga bilihin mula sa housewares, dry goods section at wet goods section. Sa tingin ko, nakahilera ang lahat ng ito ayon sa tindi ng pangangailangan. Ang mga hindi masyadong pinagkakaguluhan at hindi nakakain, ay inilagay sa magkakalinyang seksyon ng mga bilihin. At gayundin naman sa nakakain. Pero sa kabilang banda, kung gustong magmadali at kung kabisado na ang supermarket ng SM, maaari tayong dumaan sa kanang bahagi na entrada malapit sa car park. Doon, bubungad na kaagad ang wet goods section at tuloy-tuloy na hanggang sa pinakakailangan sa bahay lalung-lalo na sa paghahanda ng makakain. Baliktad sa daan na tinahak ko noong una kong pagpasok.

 

Isa siguro sa dinadayo ng mga tao sa supermarket ng SM, maliban sa organisado ang pagkakalagay ng mga benta, ay hindi ko naranasan na mabahing sa kahit na anong seksyon. Isang problema ko kapag namimili sa grocery store ay iyong napakalakas na amoy sa may seksyon ng mga sabon at shampoo, lotion at lalung lalo na sa wet goods. Sa naturang pamilihan, wala ni isang sandali na ako ay napabahing. Lahat ng seksyon ay malinis at walang nakakalat na mga paninda na nagiging sanhi minsan ng masangsang na amoy. Ang temperatura naman sa kabuuan ay katamtaman lamang. Malamig sa may wet at frozen goods dahil sa mga paninda na kinakailangan ng malamig na temperatura. At medyo mainit naman sa istante ng mga de lata hanggang katamtaman malapit sa mga mantikilya.

 

Habang ako ay naglalakad-lakad, napansin kong napapahimig na rin ako kasabay ng musikang ipanapatugtog sa loob ng supermarket. Para bang napakagaan sa tenga ng mga napapakinggan ko kaya nagiging magaan ang aking paglalakbay sa loob. Mga kantang tulad ng Runaway ng The Corrs at iba pang kanta na sumikat noong 90s at simula ng 2000. Isa pa ito sa nagpapadagdag ng anyaya na mamili ng komportable na maaaring stratehiya ng naturang mall.

 

Sa unang pagpasok ko, iilang customer assistants pa lamang ang aking nakita. Ngunit, matapos ang isang oras, nagkaroon na ng mga assistants sa lahat ng hilera ng mga paninda na nakangiti at sabay sabing “Basket po maam”. Dumarami na rin ang tao kaya kinakailangan na siguro ng marami-rami na ring empleyadong mapagtatanungan ng mga mamimili.

 

Mga taong labas-masok. Una kong minasdan ay mga taong aking nakikitang namimili. Dahil sa tanghalian, wala masyadong tao sa mga panahong iyon. Kaya noong una’y sinubukan kong magtala ng mga tao ayon sa kasarian. Nakapagtala ako ng pitong (7) lalaki at labintatlong (13) babaeng namimili. Pasado ala una na nang napansin kong dumadami ang tao kaya hindi na ako nagabalang magtala pa. Pinag-aralan ko na lang ang mga posibleng kategorya ng mga tao na labas-masok sa supermarket.

 

Napansin ko na sa pagdami ng tao, dumami rin ang mga posibleng kategoryang maaari kong mailista. Una na rito ang edad. Napansin ko na lahat na siguro nang tao mula sa age bracket ang aking nakitang pattern. Mula sa mga sanggol na nakalagay pa sa stroller, toddlers na gustong sumakay sa cart, mga batang nasa elementarya na makulit na nagpapabili ng chichirya, mga teenagers na papuntang gimik, mga kolehiyala na namimili ng pampaganda, mga nanay at tatay na namimili ng pangkonsumo at gayundin ang mga lolo at lola.

 

Napansin ko rin na hindi lang lahat ay Pinoy ang namimili. Mayroon ding mga dayuhan tulad ng mga Amerikanong naghahanap ng isang uri ng cheese, isang Indian national na namimili ng sangkatutak na gulay at prutas, mag-asawang Koreano na nagsasalita sa kanilang lenggwahe na sa wari ko ay nag-aaway sa kung anong uri ng noodle ang bibilhin at isang Chinese Filipino na nagrereklamo sa itinaas ng presyo ng paborito niyang de lata.

 

Isa pang kapansin-pansin na katangian ng mga mamimili na hindi ko pinalagpas ay ang kanilang mga estado sa buhay. Pakiwari ko, ang mga namimili sa naturang supermarket ay mga mamamayan na nabibilang sa panggitnang-uri. Bakit ko naman kaya nasabi ito? Una, sa kanilang mga tindig. Napuna ko na karamihan ng mga namimili ay parang executive ang dating. Kung hindi naman, maraming alahas at kung anu-ano pang abubot sa katawan. Meron ding signatured brands ng mga damit at bags ang suot na tanging mga nasa panggitnang-uri lamang ang makakabili ng hindi kumukurap.  Panagalawa, sa dami at uri ng kanilang mga pinamimili. Napansin ko na karamihan ng namimili, cart ang kinukuha. Kung hindi man mamahalin na mga brands ng paninda ang tinatangkilik, naghahanap pa ng imported. At kung mamili, para yatang mauubusan ng paninda. Halos hakutin na yata lahat ng mga naglalakihang garapon ng shampoo at lotion. Pati mineral water, hindi pa nakaligtas sa isang ale. At panghuli, ang paraan ng kanilang pagbabayad. Sa rami ba naman ng kanilang pinamili, isang swipe lang ng credit card ang katapat noon. Matumal yata ang mga nagbabayad ng cash dahil halos silang lahat ay naka-credit card.

 

Isa pang kategorya na maaaring idagdag ay ang mga grupo ng taong namimili. Nang tanghalian pa, paisa-isa ang mga nanay na nagtutulak ng cart. May mga tatay ring nag-iisa na ang diretso nilang lahat ay sa diapers at gatas ng bata. Noong dumarami na ang mga tao, kapansin-pansin ang mga pamilyang namimili. Kumpleto ang casting: si tatay ang nagtutulak ng cart, si nanay ang namimili ng mga bibilhin, si kuya o kaya naman si ate na nangungulit at si baby na nakasakay sa cart. Nagmistulang parke na tuloy ang buong supermarket sa dami ng pamilyang aking napagmasdan. Mayroon din namang magbabarkada na panay mga chichirya lang at maiinom ang binibili. May mga mag-asawa lang din na parang nagdedeyt lamang. Mayroong mag-aama o di naman kaya ay mga mag-iinang ginawa ang panahon ng pamimili na bonding moment. May amo at yaya ding magkasamang namimili. At higit sa lahat, magpapahuli ba naman sina lolo at lola na mukhang mga teenagers lang na nagbibiruan habang namimili. Parang lahat na yata ng mga tao magmula sa iba’t ibang aspeto ng buhay ang naroroon sa supermarket. Patunay na kahit na anong edad, kahit na sinong kasama at kahit na sino ay maaaring mamili at gawing kaaya-aya ang gawaing ito.

 

Silang malalakas sa aking pang-amoy at ninais ng aking mga mata. May tatlo akong taong ginustong kuhanan ng profile. Ang mga taong ito ay may kung ano yatang kakaiba sa kanila na ninais ng aking mga matang sundan.

 

Pagpasok ko ng mga tanghali sa supermarket, may nakasabay akong isang babae na nakaputi at may mga dala-dalang malalaking bag. Sa unang tingin ko, para yata siyang student nurse dahil sa kanyang all-white na porma at nakapusod na ayos ng buhok. Buong akala ko, may routine duty pa ito ng alas tres sa malayong hospital kaya nagmamadaling mamili ng mga kakailanganin. Sa aking paglalakad, nakadaupang palad ko na naman ang babaeng akala ko ay student nurse. Sa pagkakataong ito, may kausap na siyang isang maputing babae at may hawak nang isang batang babae rin. Ilang sandali pa, napansin ko na iniwan na sila ng babae at binilinan na bantayan ng maigi ang bata at ipagpatuloy ang pagpapadede. Doon ko napagtanto na ang babae pala ay yaya ng babaeng maganda at mukhang mayaman. Nagmamadali ring umalis ang amo niya at naiwan sila ng halos dalawampung minuto. Pagbalik ng kanyang amo ay agad na silang umalis at nagbayad ng kanilang mga pinamili.

 

Mga alas dos na noon ng hapon. Hapong-hapo na ako at masakit na ang aking mga paa sa kakalakad nang makakita ako ng isang pamilyar na mukha na nakatayo malapit sa isang cashier station. Matagal ko siyang tinutukan at inalala kung saan ko siya nakita. Matagal ko siyang hinanap sa aking utak. Buti at naalala ko. Ang taong palakad-lakad sa may cashier ay si Compostella Valley Governor Chong Uy pala.

 

Mga sampung minuto ko siguro siyang tinutukan at binalikbalikan. Napansin kong may tatlo siyang taong kinakausap, parang mga body guards niya. May pumila para sa kanya. May kumuha nang nakalimutan niyang kunin. At may umabot sa kanya ng kanyang maliit na bag nang siya ay magbabayad na.

 

Kaya pala hindi ko agad siya nakilala dahil masyadong kaswal para sa isang gobernador. Isang t-shirt na kulay gray, maong na pantalon at itim na leather sandals lamang ang kanyang suot. Sino ba ang mag-aakalang isang gobernador na pala ang namimili. Pero parang kaunti lang yata ang nakamasid na si Governor Uy pala iyon. Ni halos wala ngang special treatment na ibinigay. Buti naman kung ganoon. Parehas lang namang nagbabayad ang mga taong namimili at si Governor Uy. Parehas lamang silang mga mamimili na nagbabayad kahit na nakatataas sa tungkulin ang isa.

 

Sa muli ko namang paglalakad at pagmamasid, isang pamilya ang aking natanaw. Pamilya pa rin ang aking tingin sa mag-iina kahit na wala ang kanilang tatay. Una ko silang nakita sa hanay ng mga pika-pika na pagkain. Bigla silang nawala. Muli ko na naman silang nakita nang may bitbit na ice cream na ang mag-iina. Nakita ko ulit sila sa hilera ng plastic wares. Sa pagkakataong ito, nagkunwari akong may kukunin sa kanilang hanay para marinig ang kanilang usapan.

 

“Pili na kayo ng kulay ng kutsara niyo. Ganito lang muna ang treat ko sa inyo ha. Sa foodcourt lang muna tayo kakain ng ice cream. Di bale, masarap naman ang flavor nito diba?” sabi ng nanay. Sumagot naman ang nakakatandang kapatid na ayos lang daw sa kanila. Buti pa nga raw at may ice cream pa silang treat.

 

Nakakatuwang eksena ang aking napagmasdan. Bihira na akong makakita o makarinig ng ganito sa totoong buhay, kahit na sa bahay namin. Kung tutuusin, sa teleserye na lamang siguro natatanaw ang ganitong mga eksena. (Mukhang tonong kulturang popular yata uli ang aking nababasa sa mga huling linya ko.)

 

Sari-saring mukha ng pamimili. Bilang isa ring mamimili, may mga teknik ako kapag inuutusan ako ng aking Mama na mamili, depende kung gusto kong magmadali o hindi naman kaya ay magsayang ng oras. Sa aking paglalakbay na ito, tiningnan ko rin kung paano mamili ang mga taong aking nakasalamuha.

 

Mula nang pumasok ako, parang lahat ng mga nanay na namimili ay sinusuyod lahat ng hilera ng mga istante para humanap ng mga tamang bibilhin. Dala-dala ang kanilang mga carts, mula sa housewares, tinitingnan-tingnan ng mga mamimili kung ano ang mas akmang bibilhin nila ayon sa kanilang panlasa. Patingin-tingin dito, patingin-tingin doon. Hanggang makita na nila ang kanilang gustong bilhin. Lipat na naman sa kabilang linya ng mga paninda. Hanggang sa umabot sila sa wet goods section. Paulit-ulit ang proseso hanggang mapuno ang kanilang mga carts sa mga tingin nilang pangangailangan ng kanilang pamilya. Umabot rin iyon ng mga halos dalawang oras ng paglilibot sa loob ng supermarket.

 

Isang oras pa ang nakalipas nang makakita ako ng isang nanay na dumiretso sa linya ng istante ng mga nakalista sa kanyang bitbit na maliit na notebnook. Sa pagsunod-sunod ko sa kanya, naisip ko na para yatang puro pagkain ang kanyang pinamimili. Magmula sa mga de lata tulad ng sausages at corned beef, hanggang sa wet goods section lamang ang kanyang destinasyon. Para yatang wala na siyang panahon na mamili sa palengke kung saan mas mura ang mga bilihin. O di kaya naman ay mas nakasisiguro siyang malinis talaga ang mga pinamimili niya sa SM Supermarket. Wala pang isang oras ay tapos na si Nanay 2 sa kanyang pamimili.

 

Ilang sandali pa, magbabarkada na naman ang aking nasundan. Pakiwari ko’y gigimik ang mga ito. Wala kasing bukambibig kundi ang kanilang outing papuntang Samal, ang kanilang mga magiging outfits at kung ano ang kanilang babaunin. Ganun pa rin. Walang dalang listahan. Kaya lang, mas lalong tumagal kahit na sa mga istanteng pagkain lang ang nilalaman. Panay kasi ang pagtatalo ng anim na magkakaibigan sa bawat uri ng pagkain na kukunin ng isa. Umabot pa yata ng halos dalawang oras ang kanilang pamimili  na halos pagtatalo naman lahat.

 

Nasaan ang mga kalalakihan? Kahit na sa unang oras ko sa supermarket ay nakapagtala ako ng pitong lalaki, isang oras lamang ang lumipas, wala na akong mahagilap na mga lalaki. Mga bandang ala una, mukha yatang hindi ko na sila maaninag. Nasaan kaya sila?

 

Dahil sa mahigit dalawang oras na akong nakatayo at palakad-lakad, magdedesisyon na sana akong lumabas muna at kumain ng tanghalian. Pero, sinuwerte yata ako at nakakita ako ng bangko sa isang linya ng cashier. Kahit na may lalaking nakaupo, kinapalan ko na ang aking mukha para makaupo na ako. Nang makaupo na, tinanong ako ng lalaking katabi ko kung bakit panay ang sulat ko. Sabi ko lang may ginagawa akong ethnography tungkol sa supermarket. At humaba na kaagad ang usapan.

 

Ngayon, ang sagot sa tanong na nasaan ang mga kalalakihan ay: nasa tabi-tabi lamang sila. Isa na ang lalaking nakausap ko. Naghihintay siya na matapos ang kanyang asawa kaya naisipan niyang maupo muna at magpahinga. Kaysa magpalakad-lakad at sumunod-sunod raw sa kanyang asawa, mas pinili niyang maupo roon at maghintay.

 

Nang umalis na ang mamang katabi ko, nagkaroon ako ng pagkakataong maupo roon at makita ang mga taong papasok. Namangha ako nang magpapamilya ang pumapasok. Para bagang family day lang at family outing ang pamimili sa grocery store. Pero, nang makakuha na nang cart si misis, agad na kinuha ni mister si baby at nagpaiwan sa may cashier. Aha. Ganoon pala ang ginagawang palusot ni mister para hindi sunod nang sunod. Iilan pang mga mister ang nakita ko roon at nagpaiwan malapit sa aking kinaroroonan. Ang iba naman, sumasama para maging tagatulak ng mga pinamili ni misis. Sa aktong ito, nasabi kong wala talagang pasensiya ang mga lalaki pagdating sa mga pasikut-sikot na pamimili.

 

Bonus Kuwento.  Mukhang maayos naman ang naging karanasan ko sa kabuuan kung hindi lang sa isang pangyayaring hindi ko inaasahan. Sa aking pagmamasid, ilang oras din akong nagpabalik-balik ng lakad sa buong supermarket. May isang pagkakataon na pakiramdam ko may sumusnod din sa akin. Pagtingin ko sa aking kaliwa, nakita ko ang isang lalaki na mukhang nakasuot ng uniporme. Pero mukhang hindi rin. Naglakad pa ako ng kaunti. At sumunod uli siya. Doon ko na nalamang gwardiya pala siya ng supermarket na nagpapanggap bilang isa ring mamimili. Napagisip-isip ko na para yata akong pinagkakamalan ngayong magnanakaw. Pero parang hindi naman rin. Pero para makasiguradong lulusot ako, gumawa ako ng palabas. Kaya naman, naging instant artista ako sa mga panahong iyon. Kahit nababalot man ako ng takot, nagawa ko pa ring umarte ng ganito: “Ay. Mao man tingali ning sugo ni Mama. All purpose flour. Tagpila kaya ning 2 kilos?.” , sabay sulat sa aking maliit na kwaderno. Nagkunwari pa akong tinetext ko si Mama para hindi mahalata na nanginginig na ako sa takot. Ang dami ko na yatang nagawang kabaliwan dahil sa paranoia na naramdaman ko ng mga sandaling iyon.

 

Ang pinakamagandang nakuha ko sa pangyayaring iyon ay: nalaman kong maaari pala akong maging artista, sa totoong buhay. Kahit na alam kong nanginging na ako sa takot, nakakapag-isip pa ako ng mga ganoong kabaliwan kahit na hindi naman sa inaakala nila ang aking intensiyon. Pero sana sa sususnod na mapalaban ako sa field, matuto na sana akong mangatwiran at maging mas matapang na humarap sa mga ganitong sitwasyon.

 

Samakatuwid. Ang buong karanasan ko sa magmamasid sa mall ay isang hakbang patungo sa mainam na pag-aaral ng agham-tao na kung saan sa mismong arena ng aking personal na buhay umiikot ang buong pag-aaral. Isa itong hakbang patungo sa hinay-hinay na iwinawaksi ang romantikong ideya patungkol sa pagtatanong kung saan ba ang pinakamainam na maging fieldsite. Sa pamamagitan ng karanasan na ito, ipinasisilip sa akin ang mundo na buong akala ko noon ay hindi maaaring maging subjek ng pag-aagham tao. Ipinapakita rin ng pag-aaral na ito na ang mundong gaya ng loob ng mall ay hindi lamang binubuo mga taong gumagalaw. May sariling tatak din ito ng pamumuhay: kulturang popular.

 

Minsan na akong nakaranas at naging bahagi ng kulturang popular na hindi ko namamalayan. Nang minsang gusto ko lang na mamasyal sa mall, panay ang asam ko sa mga bagay na tila hindi ko naman mabibili kahit na sampung taon pa ang lumipas. Kahit saan ako tumingin, laging isinisingit ng aking utak na sana ay makabili ako ng ganito, makakain ako sa ganyan, at maranasan ko ang maging ganoon. Sa pag-aasam na ito nararamdaman ang kulturang popular. Para sa mga kababayan nating halos tama lang ang kinikita para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, ang pagpunta ng mall ay dagdag gastos. Ang iba, kung pumunta man ng mall, nasa kamalayan na lamang nila ang pag-aasam na sana ay magkaroon sila ng kakayahan na mamili at maranasan ang imbitasyon ng malling.  Halos mamemorya na nila ang bawat amoy, bawat gamit, bawat lasa ng mga bagay na gawa ng kulturang popular. Ang aktong pagbili na lamang ang kulang. Nasa ganitong estado sila ng pag-iisip kaya mangangarap na lang sila na sana ay maging mala-teleserye din ang buhay nila. Umaasang  isang araw ay makakaahon sa kasalukuyang kalagayan. Lumalakas tuloy ang kanilang paniniwala sa kasabihang “Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa baba, minsan naman nasa itaas”.

 

Kabaligtaran naman ang karanasang ibinibigay ng kulturang popular para sa mga may kaya. Ayon pa kay Tolentino, ang naturang kultura ay hindi libre. Tunay na nararanasan lamang ito ng mga may kakayahang bumili at magabayad. Ganitong-ganito ang inilalakong karanasan ng SM para sa mga may kaya. Dahil may pera silang maipambibili at maipambabayad, lahat ng mga magustuhan nila ay kayang-kaya maangkin. Para sa kanila, hindi sila mabubuhay nang wala ang mga bagay na ini-endorso ng kulturang popular. Magandang halimbawa nito ay ang mga abubot na inilalagay sa katawan tulad ng moisturizers, whitening soap, lotion at marami pang iba. Na kung iisipin natin, nabubuhay naman ang iba nating mga kababayan na walang nilalagay na mga ganoong bagay sa katawan. Samakatuwid, ang kulturang popular ay may kapangyarihan na mag-imbento ng mga bagay na magiging standard ng kagandahan, karangyaan at magandang buhay na siyang magiging modelo ng lahat. Parang maaari ring sabihin na ang hindi makasunod, makaranas o makabili ay hindi gaanong kagandahan, hindi gaanong kayamaan at hindi gaanong kagandahan ang buhay.

 

Bukod sa kulturang popular, may iilang bagay din na mahihinuha sa buong araw na pagmamasid sa mall. Una, mula sa mga obserbasyon, ang mall, partikular na ang supermarket ay may functional na aspeto. Ang supermarket ay masasabing kaakibat ng mga nanay sa pag-aasikaso sa bahay. Tinutulungan nito si nanay na maging madali ang pamimili dahil sa kumpleto na ang inilalako ng SM supermarket. Magmula sa mga pangangailangan sa bahay, hanggang sa pagbabayad ng bills. Hindi na magiging malaking abala pa para sa mga ilaw ng tahanan na pumunta sa kung saan-saan pa. May functional na aspeto ito para sa buong pamilya. Sa araw na iyon, karamihan sa mga namimili ay magpapamilya o hindi naman kaya ay mag-aama at mag-iina. Ang pamimili ngayon any nagiging pambawi na ng mga magulang para sa kanilang mga anak upang magkaroon sila ng oras na magkakasama. Ang akto ng pamimili ay nagsisilbing bonding moment ng buong pamilya na magkaroon ng oras para sa isa’t isa. Imbes na maging isang nakakapagod na gawain ang pamimili para sa mga nanay, nagiging paraan ito upang magkakasama sila ng kanilang mga anak o hindi naman ay nang buong pamilya.  

 

Pangalawa, isang teorya na maaaring magpaliwanag sa mga pangyayari sa loob ng supermarket ay ang habitus. Ang habitus ay tumutukoy sa iba’t ibang disposisyon ng mga tao na maipapakita sa pamamagitan ng kanilang mga gawain (Bourdieu, 1977).

 

Layunin ng mga personaheng nagpapatakbo ng supermarket na magkaroon ng malaking kita. Kaya naman, lahat ng maaaring gawin nilang paraan upang kumita ay ginagawa nila gaya na lamang ng pagkakaroon ng mga bagong paninda na sa supermarket lang nila matatagpuan. Namangha ako sa iba’t ibang frozen foods na noon ko lamang nakita, at sa SM pa. May nakita akong makukulay na fishball na tawag nila ay shabu-shabu. Nagbebenta rin sila ng mga prutas at gulay na bago sa aking paningin tulad ng dragon’s fruit. Ipinapakita rin nila ang layunin nilang ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-aalaga nila sa kanilang mga mamimili. Gaya ng napansin ko, lahat ng linya ng mga paninda ay may mga customer assistants upang mag-asikaso sa mga indibidwal na itatanaong.

 

Ang kulturang popular ay nagpapakita rin ng habitus ng bawat taong namimili. May narinig akong pag-uusao kung saan nagpapakita ng habitus ng isang mamimili: “Ay. Kamahal pud diri sa SM uy. Maayo pa sa palengke na lang ko mamalit ug mga isda. Barato na gani, lab-as pa.” May isa pang pamilya akong napansin na kumuha ng isang katam-tamang laki na cart. Ilang minuto na silang palakad-lakad pero tanging dalawang lata ng sardinas at tatlong supot ng daing pa lamang ang laman ng kanilang cart. Dito naipapakita ang habitus ng mga kababayan nating hindi nabibilang sa panggitnang-uri. Kahit na sa SM na sila namimili, lumalabas pa rin ang estado ng kanilang pamumuhay. Gusto pa rin nilang mamili sa nakasanayan nilang pamilihan tulad ng palengke. Sardinas pa rin ang nais nilang bilhin kahit na may mga de lata naman na iilang piso lang ang minahal kung ikukumpara sa sardinas.

Samakatuwid, may mga pangyayari sa loob ng mall na hindi natin agad nakikita sa pamamagitan ng ating dalawang mata. Kailangan nating tingnan ang mga bagay na higit pa sa kanilang gamit. Sa pamamagitan nito, maaari tayong bigyan ng mga bagong pananaw para sa mas malawak na kaalaman tungkol sa ating mundo. At ang pag-aagham tao ay isang mainam na paraan ng pagkilatis sa mga bagay upang mas lalo nating maintindihan ang mga pangyayari sa ating paligid.

 

Samakatuwid, hindi lahat ng pamilyar na bagay ay hindi na mainam na pag-aralan. Para sa akin, tunay na mainam pa nga ang gawing hindi pamilyar ang mga bagay na bahagi ng ating mga pang-araw-araw na karanasan at kapaligiran. Kumg kaya nating pag-aralan at gawing pamilyar ang mga bagay at pook na bago sa atin, maaari siguro nating unahin na maintindihan ang mga bagay at pook na halos abot-kamay at abot-tanaw na lang natin. Baka dito siguro nag-uumpisa ang isang mainam rin na antropolohista o kahit na sino na nais mag-aral ng pag-aagham tao: ang pag-aralan ang mga bagay na maituturing na ordinary para sa kanya. At ang pag-aaral na aming naisagawa sa mall ay isang hakbang nga patungo sa pag-aagham tao.

 

 

#

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

PASASALAMAT

 

Nais ng manunulat na magpasalamat sa mga sumusunod:

 

ü      Sa kanyang mga magulang na gagawin ang lahat para maging gulong ng palad umano ang kanilang buhay

ü      Sa kanyang mga kapatid na nagsisilbing inspirasyon niya na balang araw, magiging teleserye rin ang kanilang buhay

ü      Sa kanyang mga kaibigang naging pakana na maranasan niya ang kulturang popular na hindi niya namamalayan (Eyoy, Mardz at Panyee)

ü      Sa kanyang mga kaibigan at kaklase na kasama niyang nakaranas nang kulturang popular sa SM at naghirap na maintindihan si Bourdieu at ang kanyang habitus (Kat, Manang, Stella)

ü      Sa kanyang mga kasamahan sa boarding house na laging may pabaong ngiti at sa paniniwalang magiging isang matagumpay na antropolohista siya baling araw (Ate Princess, Ate Shiena at Ate Clay)

ü      At sa mga di-taong elemento na nakatulong sa kanya para matapos ang papel na ito.

 

 

Sa inyong lahat, daghang salamat.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

REFERNCES

 

Bourdieu, Pierre. (1977). The Structure and the Habitus. Cambridge University Press.

Tolentino, Rolando. (1999). Kulturang Mall. Kulturang Popular 1. Anvil Publishing Inc.

The Banana Smoothie Theme Blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.